MANILA, Philippines – Nagkita na ang mga opisyal ng Pilipinas at Kuwait upang pag-usapan ang mga isyu na may kinalaman sa deployment ng mga manggagawang Pinoy sa nasabing bansa.
Ang bilateral talks ay ginanap sa Ministry of Foreign Affairs sa Kuwait nitong Martes at Miyerkules, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, Mayo 18.
Ginanap ang dalawang araw na pagpupulong makaraang suspendihin ng Kuwait ang paglalabas ng bagong visa sa mga Pinoy sa dahilan na lumabag umano ang bansa sa mga kasunduan nito kaugnay sa migrant workers.
Sa pahayag, sinabi ng DFA na nagpahayag ang Pilipinas ng “full respect for Kuwaiti laws and profound appreciation for the hospitality of its government and people to more than 200,000 Filipino workers who consider Kuwait as their second home.”
“On issues related to services being rendered to our migrant workers, the delegation explained that all actions taken by the Philippine Embassy and the Philippine Government are solely to ensure the safety and welfare of our own nationals,” dagdag pa.
Anang DFA, sa ilalim ng international law and conventions, obligasyon ng consular offices na protektahan ang mga mamamayan nito abroad.
Nauna rito, inanunsyo ng Kuwaiti Interior Ministry ang temporary suspension ng pagbibigay ng visa sa mga Filipino dahil sa paglabag ng Pilipinas sa bilateral agreement nito sa Kuwait.
Ani DFA Undersecretary Eduardo de Vega, nais umano ng pamahalaan ng Kuwait na alisin ang mga shelter para sa mga tumakas na household workers dahil hindi umano ito pinapayagan sa ilalim ng kanilang batas.
Ayaw din ng Kuwaiti government na tawagan o kausapin ng pamahalaan ng Pilipinas ang employer ng mga OFW na nagsusumbong ng pang-aabuso at iba pang mga problema.
Makalipas ang dialogue, sinabi ng DFA na “the Philippines remains open to constructive dialogue on how to address current concerns.”
“Meanwhile, the DFA and DMW (Department of Migrant Workers) wish to assure our migrant workers in Kuwait as well as their families of the government’s full support and assistance.”
Ang delegasyon ng Pilipinas na nakaharap ng Kuwait ay binubuo ng ilang senior officials mula sa DFA at Department of Migrant Workers, maging ang attached agency nito na Overseas Workers’ Welfare Administration. RNT/JGC