MANILA, Philippines- Tinintahan ng Pilipinas at ng Swede ang isang kasunduan na magbibigay-daan na makapag-supply ang Stockholm ng multirole fighter aircraft para sa Philippine Air Force (PAF).
Nilagdaan nina Acting Defense Secretary Carlito Galvez Jr. at Swedish Defense Minister Pål Jonson ang memorandum of understanding (MOU) on defense materiel cooperation nitong Sabado sa sidelines ng Shangri-La Dialogue sa Singapore.
“The agreement opens up opportunities for Swedish defense industries to participate in the Armed Forces of the Philippines modernization program as well as for possible joint initiatives in support of the Philippines’ thrust to achieve a self-reliant defense posture,” pahayag ng Department of National Defense.
Nag-aalok ang Stockholm ng Saab Jas-39 Gripen para sa multi-role fighter acquisition project ng PAF.
Nitong nakaraang buwan, nakipagpulong si Galvez kay Swedish Trade Minister Johan Forssell sa Manila upang isapinal ang diskusyon sa MOU at talakayin ang mga aspeto ng bilateral relations sa pagitan ng dalawang bansa.
Naganap ang pirmahan ilang araw matapos pangunahan ni PAF chief Lt. Gen. Stephen Parreño ang small delegation sa Sweden mula May 24 hanggang May 28, kung saan nakipagkita sila sa Swedish Air Force at naglakbay sa Saab facility upang makita ang JAS-39 at Saab 340 airborne early warning and control aircraft.
Matagal nang nais bumili ng PAF ng multirole fighters para sa deterrence.
Bukod sa Saab Jas-39 Gripen, kinokonsidera rin ng PAF ang F-16 Viper, nilikha ng US defense manufacturer Lockheed Martin, para sa fighter jets nito sa hinaharap. RNT/SA