Home NATIONWIDE PH unang bansa sa Asya na nagratipika sa ILO Convention vs workplace...

PH unang bansa sa Asya na nagratipika sa ILO Convention vs workplace harrassment

MANILA, Philippines- Pilipinas ang naging unang bansa sa Asya at ika-38 sa mundo na niratipikahan ang Convention No. 190 na naglalayong pigilan ang karahasan at pang-aabuso sa mga lugar ng trabaho, sinabi ng International Labor Organization (ILO) noong Biyernes.

Nangyari ito matapos ideposito ng Maynila ang instrumento ng ratipikasyon ng convention sa ILO noong Peb. 20.

Sinabi ng ILO na ang Convention No.190 ay unang international labor standards na komprehensibong tumugon sa violence at harassment sa workplace.

Nakasaad din dito ang unang kinikilalang pandaigdigang kahulugan ng karahasan at pang-aabuso sa lugar ng trabaho, na nag-aalok ng proteksyon sa lahat ng indibidwal sa workforce, kabilang ang mga intern, apprentice, at mga nasa tungkulin.

Umaabot ang proteksyong ito sa iba’t ibang sektor, kabilang ang pampubliko at pribado, pormal at impormal na ekonomiya, at mga urban at rural na lugar.

Sa seremonya na ginanap sa punong-tanggapan ng ILO sa Geneva, Switzerland, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary for Labor Relations, Policy and International Affairs Cluster Benedicto Ernesto Bitonio Jr., na kinikilala ng Maynila ang institusyonalisasyon ng karapatan sa workplace, na malaya sa karahasan at pang-aabuso, gaya ng itinakda sa kombensyon.

Sinabi rin ni Bitonio na ang kombensyon ay nananawagan sa mga bansa na magkasundo sa isang “baseline” ng katanggap-tanggap na pag-uugali kung saan iginagalang ang bawat manggagawa bilang isang tao na may ganap na kalayaan na pumili at ituloy ang mga bagay na pinahahalagahan ng lipunan anuman ang kanilang katayuan, kakayahan at sektor.

Samantala, pinuri naman ni ILO Deputy Director General Celeste Drake ang hakbang ng Pilipinas na pagtibayin ang kasunduan.

Iniuutos din ng kombensyon sa mga miyembrong estado na pagtibayin ang konsultasyon sa mga kinatawan na organisasyon ng mga employer at manggagawa, kasama ang mga estratehiyang tumutugon sa kasarian para sa pagpigil at pagpuksa sa karahasan at panliligalig sa lugar ng trabaho.

Kasama sa diskarteng ito ang mga hakbang sa pag-iwas, proteksyon, at pagpapatupad, pati na rin ang mga remedyo, gabay, pagsasanay, at mga hakbangin sa pagpapataas ng kamalayan.

Sa pagkilala sa mga natatanging tungkulin ng mga pamahalaan, employer, manggagawa, at kanilang mga organisasyon, binibigyang-diin ng kombensyon ang kahalagahan ng panlipunang diyalogo at tripartismo sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito sa pambansang antas.

Sa ngayon, niratipikahan na ng Pilipinas ang 39 na kombensyon ng ILO, 31 dito ay kasalukuyang ipinapatupad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article#WalangKuryente sa Binangonan, Rizal sa Peb. 25
Next articlePinas nanawagan ng kapayapaan sa Ukraine