MANILA, Philippines- Nakatakdang magsagawa ang Pilipinas, United States at Australia ng amphibious landing military exercise ngayong Biyernes sa Zambales, ayon sa Philippine Marines official.
“Yung pinaka-main event natin yun nga yung amphibious landing. Simulation sya ng island retaking, then ang landing force natin maganda tatlo, may Australian Defense Force, may US Marines at saka Philippine Marines,” pahayag ni Marines deputy commandant at Alon Exercise 2023 director Brigadier General Jimmy Larida.
Kasama rin sa aktibidad ang mock opposing force upang maging makatotohanan ang simualtion, base kay Larida.
Inaasahang personal na sasaksihan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Australia’s Defense Minister Richard Marles ang drill.
Dahil malapit ang venue sa West Philippine Sea (WPS), nilinaw ni Larida na hindi nakadirekta laban sa China ang aktibidad, at iginiit na ang drill ay “very general.”
“Hindi sya designed in preparation to a particular enemy. Hindi sya designed yung exercise contract niya to prepare for Bajo de Masinloc, WPS issue, Scarborough Shoal issue,” pahayag niya.
“Very general siya, equipping our Marines with the skills lang talaga sa amphibious operations and how to operate in a joint and combined environment ‘yun lang,” dagdag ng opisyal.
Noong August 14, sinimulan ng Pilipinas at ng Australia ang kauna-unahang joint amphibious training sa Darwin, Australia.
Nilalayon ng pagsasanay na paigtingin pa ang interoperability at readiness to respond sa security challenges ng dalawang bansa. RNT/SA