MANILA, Philippines – Posibleng magdaos na ngayong taon ang Manila at Washington ng joint maritime patrols sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang inihayag ni Philippine ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez sa exclusive interview ng CNN Philippines nitong Biyernes, Agosto 4, kung saan kinumpirma niya ang posibilidad na lumahok din dito ang Australia at Japan.
“I think Japan indicated that they are interested in how they can also be part of that…and Australia is considering this,” ani Romualdez.
Iginiit niya na walang tinatarget na bansa sa naturang joint activity.
Aniya, ang tanging dahilan lamang ng naturang maritime exercises ay upang palakasin ang defense capabilities ng Pilipinas at mapanatili ang kapayapaan at stability sa rehiyon.
“This is the reality that we have to face — that if there is a conflict that we would be able to defend ourselves,” dagdag pa ni Romualdez.
Ngayong linggo lamang, sinabi ng Japanese embassy sa Manila na wala itong eksaktong plano o pinag-usapan tungkol sa joint patrols ng apat na bansa.
Sa kabila nito, idinagdag nila na pinag-aaralan nila ang posibilidad na ito upang mapaigting pa ang maritime law enforcement sa Indo-Pacific region. RNT/JGC