Home HOME BANNER STORY PH-US nagsagawa ng joint patrol sa WPS

PH-US nagsagawa ng joint patrol sa WPS

MANILA, Philippines- Nagsagawa ang Philippine Air Force (PAF) at ang United States Pacific Air Force (PACAF) ng joint patrol sa West Philippines Sea (WPS) nitong Lunes bilang bahagi ng  3rd Maritime Cooperative Activity (MCA).

Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tatlong PAF FA-50s ang sumama sa B-52H bomber aircraft ng PACAF mula sa knluran ng Ilocos Sur patungong Mindoro Strait. 

“It is the air component of the said activity that demonstrates the commitment of both armed forces to enhancing interoperability and advancing regional peace and security in the Indo-Pacific,” pahayag ng AFP.

“It also further strengthens the capability of the AFP to perform its mandate and maintain its presence over the Philippines’ exclusive economic zone,” dagdag nito.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng PAF na ang aktibidad ay Phase 2 ng 3rd MCA saklaw ang mga lugar na 90 nautical miles west ng Candon, Ilocos Sur at 50 nautical miles northwest ng Lubang, Mindoro.

“This cooperative activity aims to bolster cooperation between the Armed Forces of the Philippines and their US counterparts, thereby enhancing interoperability between its Air Forces,” wika ng PAF.

“With this activity, the PAF underscores its commitment and readiness to support the AFP’s efforts in safeguarding the national territory and sovereign rights, and upholding regional peace and security,” patuloy nito.

Samantala, sinita naman ng militar ng China ang aktibidad at sinabing nagpapasimuno ng gulo ang Pilipinas sa South China Sea sa pagsasagawa ng joint air patrol kasama ang “extraterritorial countries.” 

Ananf China’s Southern Theater Command, nag-organisa ito ng front-line naval at air forces upang mahigpit na bantayan ang joint air patrol ng Pilipinas nitong Lunes at ang mga sundalo “maintained a high degree of vigilance to resolutely defend national sovereignty.”

Umigting ang tensyon sa pagitan ng China at ng Pilipinas sa mga nakalipas na buwan dahil sa akusasyon ng dalawang bansa laban sa isa’t isa dahil sa serye ng insidente sa South China Sea.

Inaangkin ng China ang malaking bahagi ng South China Sea, na iginigiit din ng Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan, Vietnam at Indonesia na pagmamay-ari nila.

Ibinasura ng international tribunal noong 2016 ang pag-angkin ng China sa isang desisyon sa kasong ikinasa ng Pilipinas, na patuloy na binabalewala ng Beijing. RNT/SA

Previous articleClearing ops vs nakabalandrang mga sasakyan sa QC umarangkada
Next articleAnak ni Vhong, pasok sa Batang Quiapo!