MANILA, Philippines- Nakatakdang buhayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Philippine Sugar Corporation (Philsucor) para tulungan na mabigyan ng pondo ang sugar farmers.
Ito ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang video message matapos na makapulong ang stakeholders sa sugar industry.
“One of the suggestions that came up during the meeting was to revitalize Philsucor. Philsucor is Philippine Sugar Corporation… It’s financing for farmers, especially for cooperatives and farming associations,” ayon sa Pangulo.
“Ngayon hindi sila masyadong nakakapagtrabaho dahil they tried to abolish… ngunit hindi naabolish, nandiyan pa sila. Kaya’t bubuhayin natin at babaguhin natin,” dagdag na wika nito.
“They will continue their work in providing assistance sa ating mga farmers, sa ating mga farmers groups,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi naman ng Presidential Communications Office (PCO) na ang PhilSucor na nilikha sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1890 noong 1983 ay naglalayon “to finance the acquisition, rehabilitation, and/or expansion of sugar mills, refineries, and other related facilities.”
Subalit Oktubre ng 2018 ay ipinag-utos naman ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang abolisyon ng Philsucor.
Ang Governance Commission for GOCCs (Government-Owned and Controlled Corporations) ang nagrekumenda na lansagin na ito dahil nag-ooverlap ang trabaho nito sa Sugar Regulatory Administration (SRA) at government financial institutions (GFIs).
Nakasaad sa kautusan na ang Philsucor “no longer effectively performing the objectives and purposes for which it was originally created.”
Inulit ng Pangulo ang pangangailangan na mag-angkat ng 150,000 metriko tonelada ng asukal, idagdag pa na siya at ang mga stakeholders ay nagkasundo sa importation schedule.
“We agreed on an importation schedule and how we will open up the importation to all of the traders,” ani Pangulong Marcos.
“Unfortunately, magiimport pa rin tayo up to 150,000 metric tons but baka kung maganda ang production natin, baka hindi kailangan lahat ‘yun. In the end, we will still continue to favor in terms of buying local production over importation. So ‘yun ang kailangang balanse diyan,” aniya pa rin.
Winika rin ng Punong Ehekutibo na ang local production ng asukal ay dapat na prayoridad.
Samantala, ayon naman sa forecast inventory ng Sugar Regulatory Administration (SRA), ang bansa ay magkakaroon ng “negative ending stock” na 552,835 MT sa pagtatapos ng Agosto 2023, pagtatapos ng milling season.
Sinabi ng SRA na ang importasyon ng panibagong 100,000 MT hanggang 150,000 MT ng asukal ay mahalaga para maiwasan ang kakapusan.
Nauna rito, sinabi ni SRA acting administrator Pablo Luis Azcona na ang “actual volume, schedules, and details for that importation will be decided on the end of milling,” idagdag pa na ang mayorya ng mga gilingan ay magsasara sa Mayo 30.
Winika pa ni Pangulong Marcos na kinikilala ng gobyerno ang mga lugar na “we should now start categorizing as sugarland.” Kris Jose