Bulacan – Huli ang tatlong indibiduwal na umano’y nabilhan at nahulihan ng P46,240 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng San Ildefonso.
Kinilala ang mga suspek na si Bienvenido Mendoza, 46, alyas “Pilay” ng Brgy. Sapang Putol, Ray Jayson Macaranas, 44, alyas Sonny Boy at Fernando Verdillo, 55 alyas Mang Do kapwa residente ng Brgy. Matimbubong at mga kabilang sa PNP-PDEA Unified Watchlist.
Sa report ni San Ildefonso chief of police P/Lt. Col. Russel Dennis Reburiano kay Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo, naganap ang operasyon bandang 5:20 ng hapon nitong Agosto 4 sa Brgy. Sapang Putol.
Ayon sa report, nabilhan ang tatlong magkakasabwat na target ng isang sachet na pinaghihinalaang shabu ng poseur buyer kaya agad silang inaresto.
Nakumpiska sa target ang 20 pang sachets na pinaghihinalaang shabu na tumimbang ng 6.68 grams, may halagang P46,240 at buy-bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang himpilan ng pulisya. Dick Mirasol III