MANILA, Philippines – Sa loob ng isang dekada, ang Pilipinas ay nanatiling pinakamapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol ng kapaligiran o environmental defenders sa Asya matapos ang naiulat na 11 na napatay sa bansa noong nakaraang taon, ayon sa rights watchdog na Global Witness.
Sa isang pahayag na inilathala noong Miyerkules, sinabi ng grupo na hindi bababa sa 177 na tagapagtanggol ang napatay sa buong mundo noong nakaraang taon, o halos isang kamatayan kada isang araw. Ang bilang ng mga nasawi sa pagitan ng 2012 at 2022 ay naitala naman sa 1,910.
Ang worst country naman sa buong mundo para sa land defenders noong 2022 ay ang Colombia kung saan 60 tagapagtanggol, higit sa ikatlong bahagi ng pandaigdigang tally, ang napatay. Sumunod dito ang Brazil sa 34, Mexico sa 31, Honduras sa 14, at ang Pilipinas bilang ikalimang pinaka-delikado sa buong mundo sa 11.
Bagama’t mas mababa ang tally noong nakaraang taon kumpara sa 19 na tagapagtanggol na napatay sa Pilipinas noong 2021, ang bansa ay patuloy na naging pinakamasamang lugar sa Asya para sa mga land activist mula noong 2012 – ang taon na sinimulan ng Global Witness ang taunang pagsubaybay nito sa mga pagpatay sa kapaligiran.
Hindi bababa sa 281 na tagapagtanggol ng lupa ang napatay sa Pilipinas sa nakalipas na dekada.
Noong 2018, binansagan pa nga ang Pilipinas na deadliest na bansa sa mundo para sa mga environment activists nang masubaybayan ng London-based watchdog ang 34 na pagkamatay.
Gayunpaman, itinuring ng Global Witness na ang tunay na sukat ng problema ay hindi ganap na makuha dahil sa mga paghihigpit sa malayang pamamahayag at kakulangan ng pagsubaybay sa Africa, Asia, at Middle East.
Sa ulat nito noong 2021, binanggit ng grupo na 80% ng mga pagpatay sa Pilipinas ay konektado sa mga tagapagtanggol na nagpoprotesta sa mga operasyon ng kumpanya. Ang ikatlong bahagi ng mga pagkamatay ay nauugnay sa industriya ng pagmimina, na sinundan ng sektor ng agribusiness.
Nitong buwan lamang, idineklara ng mga progresibong grupo na ang mga pwersa ng estado ang may pananagutan sa pagdukot sa dalawang babaeng aktibistang pangkalikasan, kahit na tinanggihan ng pulisya at militar ang pagkakasangkot. RNT