Home NATIONWIDE Pilipinas nakikipagtulungan sa foreign gov’ts sa pagpapalaya sa 17 Pinoy sa Red...

Pilipinas nakikipagtulungan sa foreign gov’ts sa pagpapalaya sa 17 Pinoy sa Red Sea

MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga foreign governments upang matiyak ang pagpapalaya sa 17 Filipino seafarers na kabilang sa mga hostage sa cargo ship na nahuli ng Yemeni rebel group na Houthi sa Red Sea, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Lunes, Nobyembre 27.

Sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na mayroon nang koordinasyon sa mga foreign government at kasalukuyan ang pagsisikap na ito upang maligtas at maiuwi nang ligtas ang mga Filipino seafarers dahil maselan ang sitwasyon.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Biyernes na ang 17 Pinoy na hinostage ay nasa mabuti.

“The good news is that we do know that our seafarers are fine and that the Houthi rebels have been indicating consistently that they do not intend to harm them,” sabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega.

Ipinunto ni De Vega na may mga pagkakataon bago ang mga Pilipinong marino ay dinala sa Yemen at lahat sila ay pinalaya.

Ayon sa kanya, sinasabi ng mga rebeldeng Houthi na patuloy nilang hahawakan ang sinasabing barkong pag-aari ng Israel hangga’t patuloy na sinasakop at sinasalakay ng Israel ang Gaza.

Sinabi ni De Vega na naniniwala ang gobyerno ng Pilipinas mapapalaya rin ang mga hostages sa barko.

Sinabi ng DFA noong nakaraang linggo na 17 Pinoy seafarers ang kabilang sa mga dayuhang na-hostage ng Houthis nang makuha ng huli ang cargo ship sa southern Red Sea.

Inatasan na ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang DFA na gawin ang lahat upang masiguro ang kaligtasan ng mga Filipino na hinostage sa Red Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBong Go kampeon ng healthcare sa komunidad
Next articleKelot na umihi sa pampublikong lugar, timbog sa boga