Home NATIONWIDE Pilipinas pauutangin ng $600M ng World Bank

Pilipinas pauutangin ng $600M ng World Bank

MANILA, Philippines – Tinintahan na ng Pilipinas ang bagong $600-million loan agreement nito sa World Bank.

Nagdala ito ng kabuuang loan at grant commitments ng bansa sa multilateral lender sa tinatayang $7.94 bilyon.

Sa anunsyo ng Department of Finance (DOF) nitong Lunes, Hulyo 10, ang pinakahuling loan agreement na pinirmahan nitong Biyernes, Hulyo 7, ay para sa Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale-Up, na magpapaunlad at magpapalakas sa sektor ng agrikultura at pangisdaan na mas maging competitive, sustainable at technology-based.

Ayon sa DOF, sakop ng proyekto ang 82 probinsya sa buong rehiyon ng bansa, at tututukan ang mga lugar kung saan naninirahan ang 109.03 milyon na agriculture at fisheries population.

Kabilang dito ang rural infrastructure at enterprise subprojects, na makatutulong sa tinatayang nasa 450,000 magsasaka at mangingisda at makapagbibigay ng 42,000 trabaho.

Ang kabuuang project cost ay nasa $818 million, at ang nalalabing $218 milyon ay popondohan ng national government at sangkot na local government units (LGUs).

Batay sa policy framework na inilathala sa website ng DA, ang PRDP Scale-Up ay magkakaroon ng limang components, national at local level planning, rural infrastructure market linkage, enterprise development, project implementation support, at contingent emergency response.

Noong nakaraang buwan lamang, pumirma rin ng loan agreements ang Pilipinas sa World Bank na nagkakahalaga ng $1.14-billion, kabilang ang $750 million para sa Philippines First Sustainable Recovery Development Policy, $276 million sa dalawang proyekto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at $110 million para sa Teacher Effectiveness and Competencies Enhancement Project ng Department of Education.

Sa huling ulat ay umakyat na sa P13.911 trilyon ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Abril, katumbas ng P52.24 bilyon na pagtaas sa nakalipas na buwan. RNT/JGC

Previous articleSingil sa kuryente, bababa ngayong buwan
Next article‘Tanya Gomez,’ nanghingi ng pera, nabuwisit!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here