MANILA, Philippines – NANANATILI pa ring bahagi ng plano ng Pilipinas ang pagbili ng submarine matapos ang development ng anti-submarine capabilities nito.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagbili ng submarine ay bahagi pa rin ng plano ng bansa.
“But right now, we are in the middle of developing mostly our anti-submarine capabilities,” ayon sa Pangulo.
“So ‘yun ang uunahin natin and then maybe, hopefully, when the time comes and the conditions are agreeable then we might be able to acquire those submarines,” dagdag na wika nito.
Ang paliwanag ng Chief Executive, ang pag-operate ng submarine ay isang napakalaking commitment na may kasamang makabuluhang operational requirements gaya ng pagsasanay at iba pang equipment.
Isiniwalat din ng Pangulo ang alok mula sa ibang bansa na hindi lamang submarine acquisition kundi maging ang pagbuo ng submarine sa Pilipinas.
“Malaking bagay ‘yun if they are built here and we can actually build submarines here and provide those submarines to other countries and then that’s another source of jobs and of income and increase capability for our Navy,” aniya pa rin.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa anibersaryo ng Philippine Navy, binigyang diin nito ang pangangailangan na igarantiya ang suporta para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines habang ang military ay tinatrabaho na ilipat ang kanilang atensyon sa external defense.
Sinabi pa ng Pangulo na umaasa siya na makukompleto ang Horizon 3 ng AFP Modernization, na nakatuon sa naval aspect ng military operations, kasunod ng pag-komisyon ng dalawang fast attack interdiction craft-missile platforms. Ito ay ang BRP Gener Tinangag at BRP Domingo Deluana. Kris Jose