Home HOME BANNER STORY Pilot run ng bagong SHS curriculum target ng DepEd sa SY 2025-2026

Pilot run ng bagong SHS curriculum target ng DepEd sa SY 2025-2026

MANILA, Philippines- Tinitingnan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng revised Senior High School curriculum sa School Year 2025-2026.

Ito ang sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa sidelines ng Chinese-Filipino Business Club Inc. (CFBCI) 13th Biennial National Convention, kung saan siya ang tumayong keynote speaker.

“Ang target pilot natin for the Senior High School curriculum is next year. So, that’s school year 2025-2026,” ayon sa Bise Presidente.

Binanggit din ni VP Sara sa event ang kahalagahan ng pribadong sektor sa masusing pagrebisa ng kasalukuyang K-12 program ng DepEd, binigyang-diin kung paano ang kanilang inputs ay maaaring makapag-produce ng “better graduates.”

“Napakahalaga ng input nila doon sa mga skills na gusto nilang makita sa mga Senior High School graduates natin, sa mga K-12 graduates natin,” anito sabay sabing layon ng K-12 program na gawing“employable” ang basic education graduates.

“So, mahalaga iyon na nasasabi ng market ng business community kung ano iyong gusto nilang makitang skills doon sa ating mga graduates,” ang paliwanag ni VP Sara.

Sa oras na ipatupad na ang rebisyon sa kasalukuyang curriculum, maaari nang mag-hire o tumanggap ang mga negosyante ng mga graduate.

Nauna nang inanunsyo ni VP Sara noong Enero 2023 na plano ng ahensya na rebisahin ang K-12 curriculum para makapag-produce ng mas maraming job-ready at globally competitive graduates.

Ani VP Sara, hindi mai-deliver ng programa ang pangako nito na dalhin ang mas maraming trabaho sa graduates.

Sa kabilang dako, nilikha naman ang task force para suriing mabuti kung ang umiiral na curriculum ay responsable para sa pagrerepaso ng umiiral na program policies “to ensure consistency, responsiveness, and relevance” sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral at stakeholders.

Layon din nito na palakasin ang partnerships sa pribadong sektor at iba’t ibang industriya sa national at regional levels para paghusayin ng kakayahan ng senior high school graduates.

Ang K-12 program ay ipinasa sa panahon ng administrasyong Aquino, naglalayon na gawing mas globally competitive ang mga Filipino sa pamamagitan ng pinaigting at pinahusay na curriculum. Kris Jose

Previous articleBarangay captain todas sa pamamaril!
Next articleFESSAP-APUG 3×3 Philippines didribol sa Marso 15-17