Home OPINION ‘PINAS AT JAPAN HANDA NA SA ‘VOLT IN’

‘PINAS AT JAPAN HANDA NA SA ‘VOLT IN’

KAPWA determinado ang Pilipinas at Japan na apurahin ang isang mutual defense agreement ngayong mas nagiging agresibo ang China sa usapin ng South China Sea. Nitong Linggo, nagkasundo ang mga leader — sina President Marcos at Japanese Prime Minister Fumio Kishida — ng dalawang magkaalyadong bansa sa isang Reciprocal Access Agreement na magbibigay sa Japanese security forces ng pinadaling access sa mga pasilidad ng Pilipinas.

Sa harap ng garapalan nang inaasal ng China, pinagtibay ng dalawang pinuno ang kani-kanilang commitment sa pinagsanib na depensa at nangakong paiigtingin ang pagtutulungan sa pagitan ng kanilang mga coast guard. Ang pag-aapura, siyempre pa, ay bunsod ng tumitinding pananakop ng China sa mga exclusive economic zone ng ating bansa.

Ang panunwapang ng China sa halos buong karagatan ng South China Sea ay nagdulot ng kaguluhan at pag-aalangan sa seguridad sa rehiyon, kaya naman umaani ng suporta ang maliliit na claimant-nations mula sa mga pangrehiyon at pandaigdigan nilang kaalyado na may malalakas na sandatahan.

Ang umiigting na diplomatic maneuver na ito, hindi lamang ng Pilipinas, ay nagbibigay-diin sa tindi ng problemang pangseguridad na idinudulot nang ginagawang pananakop ng China sa teritoryo ng iba. Hindi mangmang si Chinese President Xi Jinping, pero hindi hakbangin ng matalino ang patuloy na hamunin ang hangganan ng mutual defense treaty ng Pilipinas at Washington.

Nais na rin ng Japan na makipagtulungan sa Pilipinas, kinikilala ang pangangailangan sa isang solido at nagkakaisang depensa laban sa mapanghimasok na China, na nagsimula ng problemang ito sa regional maritime security dahil sa mga pambu-bully na ginagawa nito sa South China Sea.

Walang away at galit

Maging sa social media, nagsisimula nang makaramdam ng pagkabahala ang mga tulad ni Tessie Sy-Coson ng SM. At bakit hindi? Napagigitna sila sa pagrespeto sa kanilang Chinese roots at sa pamamayagpag ng kanilang pamilya sa lipunang Pilipino. Ngayon, umaani siya ng mga pambabatikos dahil lamang sa simple niyang panawagan na kumalma ang lahat at pinalagan ang napupuna niyang galit at awayan online.

Walang may gusto na makipaggiyera sa China. At huwag tayong mam-bash o mam-bully ng mga kapwa nating Pinoy sa Chinatown. Sila ay mga Pilipino na ang mga ninuno ay matagal nang piniling manirahan dito sa atin kaysa sa kanilang bansa.

Siyanga pala, para sa akin, mali ang katawagang Filipino-Chinese. Ang tamang termino ay Chinese Filipino, at pinuna na ito ng ilan sa kanila, kaya naman “Chinoys” ang bansag nila sa kanilang sarili, na ang ibig sabihin ay nagmula sa lahing “Chinese” pero “Filipino” ang pagkakakilanlan.

Sa totoo lang, ang ilan sa kanila ay mas may pagmamahal pa nga sa ating bayan kaysa ilang nakapuwesto sa gobyerno. Nagnenegosyo sila at nagkakaloob ng trabaho sa milyon-milyon sa atin, namumuhunan sa mga pagawain at imprastruktura, at nagiging kinatawan pa nga ng ating bansa sa pinakamatataas na antas ng world sports.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleDOLE NAGLABAS NG PATAKARAN SA TAMANG SASAHURIN SA DISYEMBRE 26
Next articleCAMANAVA MAYORS TOP DILG SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE AWARDEES