Home HOME BANNER STORY Pinas dapat maghanda vs pagkalat ng AI-generated child exploitation material

Pinas dapat maghanda vs pagkalat ng AI-generated child exploitation material

MANILA, Philippines- Hinimok ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla ang Kongreso na kumilos na laban sa child sexual exploitation materials na ipinapakalat gamit ang artificial intelligence (AI).

Ang pahayag ni Remulla ay kaugnay sa naging babala ni Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Angelo M. Tapales sa paggamit na ngayon ng AI para makagawa ng  child sexual abuse o exploitation materials (CSAEM) na kumakalat na sa buong mundo.

Kinakailangan na aniyang busisiin ng Kongreso ang naturang makabagong teknolohiya at ang mga posibleng kaso na maaring ipataw sa sinuman na gagamit nito para sa ilegal na gawain.

Ipinunto ng kalihim na mahalagang aksyunan na ito ng mga mambabatas para makabuo na ng mga legal reform hinggil sa usapin.

Napag-alaman ni Remulla mula sa isang telecommunications company na susunod na target market na ang Pilipinas kaya mahalaga na maging handa ang bansa sa ganitong uri ng problema.

Nabatid na mahirap matukoy ang larawang gawa sa AI at ang tunay na larawan.

May mga batas na aniya sa Pilipinas laban sa child sexual abuse at exploitation materials at malinaw sa batas na ito na maparurusahan ang mga gumagawa at nagpapakalat at nagmamay-ari ng mga nabanggit na ilegal na materyal. Teresa Tavares

Previous articlePagkakakilanlan ng mga posibleng sangkot sa bus shooting tinatalupan ng PNP
Next articleTulak, parokyano laglag sa P.3M shabu sa Malabon buy-bust