MANILA, Philippines- Maglalabas ng pahayag ang Pilipinas sa nalalapit na 43rd ASEAN Summit sa Indonesia sa susunod na linggo hinggil sa naging aksyon ng Tsina sa South China Sea.
Sa press briefing sa Malakanyang, tinanong kasi si Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary for ASEAN Affairs Daniel Espiritu kung itutulak ng Pilipinas ang pagpapalabas ng pahayag kaugnay sa kamakailan lamang na insidente sa Ayungin Shoal at paglalathala ng China ng bagong mapa kung saan inilalagay ang buong South China Sea sa loob ng teritoryo nito.
“The Philippines is definitely pushing for a statement in that regard, but of course I cannot give you the final text yet because it’s still being negotiated,” ayon kay Espiritu.
“I cannot say; there are ten countries…there are external partners involved, and it only takes one to object and you lose consensus. So I cannot predict at this point,” dagdag na wika nito.
At nang tanungin kung isa itong uri ng pagkondena, sinabi ni Espiritu na, “Well we are saying something in that regard… not exactly the word condemnation but to that effect.”
Samantala, bukod sa China, ang mga bansang Vietnam, Malaysia, Pilipinas at Brunei, lahat ng ASEAN members, ay claimants ng South China Sea.
Nakatakdang bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Indonesia sa susunod na buwan para sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, ayon sa DFA.
Mananatili si Marcos sa Jakarta mula Sept. 5 hanggang 7, 2023 matapos imbitahin ni Indonesian President Joko Widodo, na ASEAN chairman ngayong taon, base kay Espiritu.
Ito ang ikalawang ASEAN summit ngayong 2023, kung saan ginanap ang una sa Labuan Bajo, Indonesia noong Mayo, na dinaluhan din ni Marcos.
“The second summit will be a follow on to the May summit and will accelerate the momentum of the ASEAN community building process,” ani Espiritu.
“It will serve as a platform for leaders to exchange views on key regional and international issues,” dagdag niya. Kris Jose