Home HOME BANNER STORY Pinas ‘di na maglalagay ng OFW shelters sa Kuwait kung…

Pinas ‘di na maglalagay ng OFW shelters sa Kuwait kung…

MANILA, Philippines – Hindi na magdaragdag pa ang Pilipinas ng shelter para sa distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait kung mababawasan din ang bilang ng mga OFW na tumatakas mula sa kanilang mapang-abusong amo.

Ito ang sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega nitong Martes, Hunyo 6 sa panayam ng ANC nang tanungin kung hindi na ba mababago ang desisyon ng Pilipinas kaugnay sa naturang mga shelter sa Kuwait.

“It’s non-negotiable in a sense that we have to operate them because there are runaways. What is negotiable is, definitely, not to put up more because we don’t want to see shelters sprouting,” ani De Vega.

“But for us not to put up more, we have to have less runaways,” dagdag pa niya.

Ipinunto rin niya na mahigit 500 OFWs ang tumutuloy ngayon sa mga shelter ng DFA, at tinataya ng embahada na isa sa 400 OFWs ang tumakas dahil sa kanilang amo na mataas kumpara sa iba pang bansa sa Middle East.

Sa kabila nito, sinabi ni De Vega na ikinukunsidera rin ng DFA at ng Department of Migrant Workers ang repatriation ng mahigit 600 OFWs mula Kuwait bilang isang “positive development.”

“It is a positive development because those 600 or so, including 353 who flew just this weekend from Kuwait, had been waiting for months and months and that was an issue between the Philippines and Kuwait — why are we sheltering so many workers, instead of allowing them or using the Kuwaiti system? It showed that Kuwait is capable of and willing to issue exit permits,” aniya.

Dahil dito, inaasahang bababa na ang bilang ng mga Pinoy na tumutuloy sa mga shelter.

Noong Mayo, matatandaan na sinuspinde ng Kuwaiti government ang lahat ng bagong visa para sa OFWs “indefinitely” dahil umano sa mga nilabag ng bansa na probisyon sa bilateral labor agreement ng dalawang bansa.

Kabilang sa mga nilabag, ayon sa Kuwaiti Interior Ministry ay ang paglalagay ng Pilipinas ng mga shelter, pagpapatakas sa mga empleyado kahit na hindi nakikipag-ugnayan sa state institutions, pakikipag-usap sa mga mamamayang Kuwaiti nang walang pahintulot mula sa mga awtoridad, at pagpilit sa Kuwaiti employers na magdagdag ng probisyon sa employment contracts ng mga ito.

Ang ban ng Kuwait ay tatlong buwan matapos na suspendihin naman ng Pilipinas ang deployment ng household service workers sa nasabing bansa dahil sa serye ng pang-aabuso sa mga OFW, kabilang ang pagpatay at panggagahasa kay Jullebee Ranara sangkot ang anak ng mismong amo nito. RNT/JGC

Previous articleCoastal road project sa Quezon, wagi sa mga residente
Next articlePANIBAGONG SPOKESPERSON