Home HOME BANNER STORY Pinas ‘di naghahanap ng gulo sa WPS – PBBM

Pinas ‘di naghahanap ng gulo sa WPS – PBBM

MANILA, Philippines – SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi naghahanap ng gulo ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) kasunod ng pagtanggal ng Philippine Coast Guard (PCG) ng floating barrier na inilagay di umano ng China sa Scarborough Shoal.

Pinanindigan ng Pangulo na ipagpapatuloy ng gobyerno ng Pilipinas ang pagdepensa at pagprotekta sa maritime territory ng bansa at maging ang mga mangingisda at karapatan ng mga ito na gamitin ang WPS para sa kanilang kabuhayan.

“Hindi tayo naghahanap ng gulo, basta’t gagawin natin, patuloy nating ipapagtanggol ang Pilipinas, ang maritime territory ng Pilipinas, ang karapatan ng mga fisherman natin na mangisda doon sa mga areas kung saan sila nangingisda daang-daang taon na kaya’t hindi ko maintindihan bakit nagkaganito,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Basta kagaya ng sabi ko, umiiwas nga tayo sa gulo, umiiwas nga tayo sa maiinit na salita ngunit matibay ang ating pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas,” dagdag na pahayag nito

Sa kabilang dako, matapos alisin ng PCG ang 300-meter-long barrier sa Scarborough Shoal bilang pagsunod sa naging kautusan ng Pangulo, hinikayat ni Chinese Foreign Minister Wang Wenbin ang Pilipinas na “not to make provocations or seek trouble.”

Samantala, hindi naman maihayag ng buo ni Pangulong Marcos ang detalye ng operasyon na nauwi sa pag-alis sa barrier.

“Many of these are operational issues that I really cannot talk about but in terms of taking down the barrier, I don’t see what else we would do,” ayon kay Pangulong Marcos sabay sabing nang maalis ang nasabing barrier, nagawa ng mga mangingisda na makapanghuli ng 164 tonelada ng isda sa loob lamang ng isang araw.

Nito lamang Lunes ng gabi, Setyembre 25, inalis na ng PCG ang floating barrier na inilagay ng Tsina mula sa Southeast entrance ng Bajo De Masinloc (BDM), na kilala rin bilang Panatag o Scarborough Shoal, inihayag nitong Lunes ng gabi.

Ang nasabing hakbang ay ginawa bilang pagsunod sa mga tagubilin ng Malacañang at ng National Task Force para sa West Philippine Sea, anag PCG.

Ang shoal ay bahagi ng munisipalidad ng Masinloc sa Zambales. Ito ay matatagpuan sa layong 124 nautical miles (NM) sa kanluran ng lalawigan at nasa loob ng 200 NM exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Noong Setyembre 20, natuklasan ng PCG na inilagay ng Chinese Coast Guard (CCG) ang 300-meter-long barrier sa timog-silangang bahagi ng Scarborough Shoal. Sinabi ng mga awtoridad na kadalasang inilalagay ito ng CCG kapag binabantayan nito ang malaking bilang ng mga mangingisdang Pilipino sa isang partikular na lugar.

Ang floating barrier incident ay nangyari lamang isang linggo matapos akusahan ng Pilipinas ang China ng pagsira at pag-aani ng mga corals sa Rozul Reef at Escoda Shoal – mga maritime features na matatagpuan din sa mainit na pinag-aawayan na West Philippine Sea. Kris Jose

Previous articleP76.1M cocaine naharang sa NAIA; 2 dayuhan timbog!
Next articleMas matibay na evac centers tinalakay ng NDRRMC