Home HOME BANNER STORY Pinas ‘di nanggugulo sa S. China Sea – AFP

Pinas ‘di nanggugulo sa S. China Sea – AFP

MANILA, Philippines- Hindi nagsisimula ng gulo ang Pilipinas sa South China Sea, ayon sa military spokesperson ng bansa nitong martes, bilang tugon sa akusasyon ng China na nagpapasimuno ng gulo ang Manila sa teritoryo ng Beijing,

“Philippines is not provoking conflict. We follow international law and we are only implementing our domestic law, meaning the limits of our territorial waters and exclusive economic zone where we have sovereign rights,” pahayag ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Medel Aguilar.

Kasunod ito ng artikulo ng People’s Daily, “mouthpiece” ng Chinese Communist Party, na umaasa ang Pilipinas sa suporta ng U.S. upang kantiin ang China, na “extremely dangerous” behavior na nakaaapekto sa regional peace at stability.

Sinabi ni Aguilar na hindi nagsasagawa ang Pilipinas ng aktibidad na ikapapahamak ng vessels at seafarers, at sa halip ay inakusahan ang China ng pagsasagawa ng mapanganib na maniobra na minsan ay nagreresulta sa banggaan sa karagatan.

“They are the ones committing all the violations,” giit ni Aguilar.

Umigting ang tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing sa mga nakalipas na buwan, kung saan pinagbibintangan ng dalawang bansa ang isa’t isa sa serye ng maritime run-ins, kabilang ang umano’y pagbangga ng China sa isang barko nitong buwan sakay ang military chief ng Pilipinas.

Nitong Martes, sinabi ng Chinese embassy sa Manila na nagdudulot ng tensyon ang Pilipinas sa teritoryo sa pagpapadala nito ng construction supplies sa grounded navy vessel sa Second Thomas Shoal.

“The Philippines, bolstered by external support, has brushed aside China’s goodwill and restraint and repeatedly challenged China’s principles and red line,” anang embahada, batay sa Chinese foreign ministry.

Regular na nagde-deploy ang Pilipinas ng resupply missions para sa mga sundalong Pilipinong sakay ng matandang warship na nakadaong sa teritoryo mula pa 1999 upang protektahan ang maritime claims ng Manila.

Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea sa tinatawag nitong nine-dash line na saklaw ang exclusive economic zones ng rival claimants na Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan, Vietnam.

Ibinasura ng 2016 arbitral tribunal ang claim ng China sa strategic waters, na hindi naman kinikilala ng Beijing. RNT/SA

Previous articleTibay, paninindigan sa Gaza ni Jimmy Pacheco, pinuri ni Tolentino
Next articleTsina nagbabala: Rocket debris babagsak sa South China Sea