MANILA, Philippines- Inihayag ng isang mambabatas na hindi ginagamit ng US ang Pilipinas bilang proxy war tool laban sa anumang bansa partikular ang China na patuloy na ilegal na nanghihimasok sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sa tumitinding tensiyon sa WPS, sinabi ni Senador Francis Tolentino na hindi lamang ang US ang kaalyado ng Pilipinas kundi maging ang iba pang bansa tulad ng Japan, Australia, at ilang European countries.
“Hindi proxy war kasi hindi lang naman US ang kaalyado natin dito eh. Kaalyado natin ang Japan, kaalyado natin ang Australia, kaalyado natin ang UK, kaalyado natin ang Europe… Lumantad na ang India. So, halos lahat,” ayon kay Tolentino.
“Siguro ngayon baka dahil doon sa nilabas na 10-dash line baka maging vocal na rin po ang Brunei Darussalam. I’m not jumping the gun, baka Malaysia and Indonesia na naging bahagi din ng kanilang sinasabing 10-dash line,” patuloy niya.
Tinutukoy ng mambabatas ng pagpapalabas ng bagong mapa ng China hinggil sa ten-dash line na pinalitan ang 9-nine dash line na naunang ibinasura ng International Arbitral Court sa The Hague na ikipananalo ng Pilipinas.
Sinasakop ng bagong mapa ang buong South China Sea na matinding pinalagan ng bansa tulad ng India, Vietnam at Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, nanawagan ang Pilipinas kasama ang international community sa China na sundin ang United Nations Law of the Sea Convention (UNCLOS).
“Hindi ito proxy war kasi kung proxy war ito, eh ‘di proxy war din tayo ng Japan, proxy war din tayo ng UK, proxy war din tayo ng Australia, proxy war din tayo ng New Zealand,” aniya.
“No, it’s us with the majority of the international community, stressing that there is a need to abide by a treaty called the UN Law of the Sea and China is a signatory to that treaty,” giit pa niya. Ernie Reyes