MANILA, Philippines- Ihahanda ng pagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF) ang Pilipinas sa pagkumpleto nito sa development programs at mga proyekto sa layunin nitong maging upper middle income country sa 2025, ayon sa isang economic official.
Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary Rosemari Edillon na naghahanda na ang bansa para sa transisyon nito sa pagiging upper middle income country sa 2025, alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) para sa 2023 hanggang 2028.
Magkakaroon umano ng epekto ang transisyong ito sa fiscal situation ng bansa at access sa concessional loans, katulad ng Official Development Assistance (ODA).
“‘Pag naging upper middle income country po tayo, hindi na po tayo qualified—siguro may grace period na two years ‘yan… hindi na tayo qualified sa mga concessional loans,” sabi ni Edillon sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado.
Ipinaliwanag niya na iniaalok sa concessional loans ang mababang interest rates at extended grace periods sa mga bansa na may below upper middle income status.
Kapag nakamit na ng Pilipinas ang target status, inihayag ni Edillon na dedepende na ang bansa sa market rates para sa debt financing, na magiging hamon para sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng NEDA executive na dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic, hindi maitaas ng bansa ang credit rating nito upang maabot ang ninanais na “creditworthiness,” na maaari sanang nagpatubit sa debt financing conditions.
Upang tugunan ang hamon na ito, inihayag pa ni Edillon na naghahanap ng paraan ang pamahalaan ng pagsuporta sa income-generating programs at paghikayat ng investments, isa na nga rito ang pagtatatag ng MIF.
Sinabi ni Edillon na nilalayon ng MIF na makahikayat ng equity financing sa halip na debt financing, na magbibigay-daan upang maging partner ang investors sa mga proyekto, kabahgi sa risks at rewards ng adhikain, katulad ng flagship infrastructure programs ng Marcos administration.
Nitong nakaraang linggo, natanggap na ng Malacañang ang panukala para sa paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kapag naipatupad, bibigyan ng MIF ng karagdagang avenue ang development financing, partikular ang mga proyekto na na itinuturing ng “risky” subalit “strategically important” at may potensyal para sa long-term returns, ayon kay Edillon. Kris Jose