MANILA, Philippines- Ikalawa ang Pilipinas sa buong mundo pagdating sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).
“Other people all over the world look at us as unethical on the internet…” ani Assistant Secretary at CICC Deputy Executive Director Mary Rose Magsaysay sa budget hearing ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Martes.
Idinagdag ni DICT chief Ivan Uy na ang kahirapan ang ugat ng problema at inamin ang kakulangan ng technical equipment ng ahensya upang sawatahin ang OSAEC.
“Iyong mga magulang tsaka kapitbahay, mga kapatid pinapakita nila iyong alam niyo na na mga bata online para kumita,” sabi ni Magsaysay.
Samantala, ikinagulat naman ng mga senador ang pagiging huli ng mga Pilipino sa digital literacy habang tumataas naman ang kaso ng child exploitation.
“Nakakalungkot sa sexual exploitation mataas tayo tapos sa attacks tayo rin ang ina-attack, tapos sa literacy tayo ang number 1 sa pinaka illiterate digitally,” ani Sen. Loren Legarda.
Isinususulong ng DICT ang ₱8.729-billion budget para sa sunod na taon subalit umapela ng karagdagang ₱5.6-billion, para umano sa CICC funding.
Upang wakasan ang child exploitation cases online, iminungkahi ni Sen. Bato Dela Rosa rang pag-block sa ilang online platforms. Subalit, sinabi ni Uy na kailangan ng batas para rito. RNT/SA