MANILA, Philippines- Muling nakapagtala ang Department of Health ngayong Huwebes ng 17 pang kaso ng omicron subvariant XBB.1.16 sa bansa.
Sa kabuuan ay mayroon nang 28 na kaso ng Arcturus sa Pilipinas.
Base sa pinakahuling COVID-19 bio-surveillance report ng DOH, sa bagong XBB.1.16 cases, pito ay mula sa Western Visayas, lima sa Davao Region, dalawa sa Metro Manila, at tig-isa sa Bicol, Central Visayas at Mimaropa.
Nauna nang sinabi ng DOH na ang strain ay may kakayahang umiwas sa immunity at lumilitaw na mas nakahahawa kaysa sa mga naunang variant.
Una na ring kinumpirma ng ahensya na mayroon nang local transmission ng XBB.1.16 dahil sa pagtaas ng mga kaso ng variant na walang kinalaman sa international cases o history ng exposure.
May natukoy ding 223 kaso ng Omicron subvariants.
Sa bilang, 182 ay inuri bilang XBB, kabilang ang 25 XBB.1.5 kaso, 101 XBB.1.9.1 kaso, 17 XBB.1.9.2 kaso at sampung XBB.2.3 kaso; 41 bilang BA.2.3.20, 1 kaso bilang XBC, at apat bilang iba pang mga sublineage ng omicron.
Sa ngayon, nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 21 kaso ng XBB.2.3.
Inilarawan ng DOH ang XBB.2.3 bilang isang sublineage ng XBB na idinagdag sa listahan ng mga variant na sinusubaybayan ng World Health Organization noong Mayo 17. Jocelyn Tabangcura-Domenden