MANILA, Philippines- Nakapag-ulat ang Pilipinas ng 6,630 bagong COVID-19 infections mula June 5 hanggang June 11, 2023, pinakamababang weekly tally ng bagong kaso sa loob ng anim na linggo.
Base sa Department of Health (DOH) weekly bulletin, ang daily case average para sa nasabing linggo ay 947, kumpara sa average daily 1,301 infections na naitala noong May 22 hanggang June 4.
Batay sa pinakabagong datos, may kabuuang 112 kaso nitong linggo ang natukoy na critical at severe, pinakamataas sa 66 reporting weeks, ayon sa ulat.
Samantala, limang COVID-19-related deaths ang naiulat ng DOH: apat nitong nakaraang buwan at isa noong Marso.
Wala namang naiulat na nasawi mula May 29 hanggang June 11.
Inihayag ng health agency na 527 severe at critical cases ang dinala sa ospital hanggang nitong June 11. Katumbas ito ng 11.3% ng kabuuang coronavirus admission.
Sa 2,134 intensive care unit (ICU) beds para sa coronavirus patients, 377 o 17.7% ang okupado, pinakamababa sa loob ng limang linggo habangg 3,493 o 19.5% ng kabuuang 17,922 non-ICU beds ang ginagamit.
Ukol sa COVID-19 vaccination, sinabi ng DOH na hindi pa rin nito matukoy ang pinakabagong bilang “due to the ongoing migration of the Vaccine Information Management System (VIMS) by the DICT (Department Of Information And Communications Technology).”
Samantala, nakapagtala ng 727 bagong impeksyon sa bansa nitong Lunes, sa ika-apat na araw ng pag-unti ng mga bagong kaso. RNT/SA