MANILA, Philippines- Kayang abutin ang target ratio para sa utang ng bansa bilang bahagi ng gross domestic product (GDP) para sa medium term, ayon kay Department of Finance Secretary Benjamin E. Diokno.
Sa panel discussion kasama ang economic managers ng bansa, sinabi ni Diokno na makakamit ang target ratio ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-adopt ng borrowing mix na 70 percent foreign at 30 percent domestic upang ibsan ang foreign exchange risk.
“As we reduce our deficit, then correspondingly, our debt will also reduce. As I mentioned earlier, the key really is to grow our economy,” pahayag ni Diokno.
Bahagyang bumaba Philippines’ debt-to-GDP ratio ng bansa sa 60.2 percent sa third quarter, mula sa 61.0 percent sa nakalipas na quarter.
Nilalayon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF), na bawasan ang debt-to-GDP ratio sa mas mababa sa 60 percent sa 2025, hanggang 51 percent sa 2028.
Target din ng MTFF na bawasana ng deficit-to-GDP ratio ng bansa sa 3 percent sa 2028 at panatilihin ang mataas na infrastructure spending sa 5 hanggang 6 percent ng GDP kada taon.
“We have opened up the economy. We didn’t wait for the virus to subside, we opened up many sectors of the economy and the economy really is doing very well. It is one of the fastest-growing countries in the fastest-growing region in the world. So this is our moment,” wika ni Diokno
Sa pagpapalakas ng ekonomiya, sinabi ng DOF na patuloy itong makikipagtulungan sa Kamara upang magpasa ng tax revenue measures tulad ng value-added tax sa digital service providers, tax sa pre-mixed alcohol, at excise tax sa single-use plastics.
Suportado rin umano nito ang ilang panukala gaya ng rationalization ng mining fiscal regime, excise taxes sa sweetened beverages at junk food, motor vehicles road users tax, at improved tax administration sa pamamagitan ng digitalization. RNT/SA