MANILA, Philippines – Walang natanggap na kahit anong banta sa buhay ang napatay na mamamahayag mula sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ito ang ibinahagi ni Oriental Mindoro Police Provincial Director PCol. Samuel Delorino kung saan sa pakikipag-usap umano nila sa pamilya ni Cresenciano Bunduquin ay sinabi ng mga ito na wala namang natatanggap na banta sa buhay ang broadcaster.
“Wala naman silang nabanggit na death threat na natatanggap… Sa himpilan naman ng ating kapulisan dito sa Calapan ay wala pong na-record na death threat sa kanya,” ani Delorino.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay pinagbabaril-patay si Bunduquin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Namatay ang isa sa dalawang suspek nang banggain ng sasakyang minamaneho ng anak ni Bunduquin ang motorsiklo ng mga ito.
Nakatakas naman ang isa pa sa mga suspek.
“Ayon po sa ballistics examination ay, at yung sa paraffin test ay negative po yung namatay na suspek. At yung lahat po ng nakuhang evidence doon sa… crime scene ay doon ay nagutugma doon sa isang baril ng shooter at yung mga slug at mga shell ay natutugma doon sa isang baril,” dagdag pa ni Delorino.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na sangkot sa illegal na droga kamakailan ang napatay na suspek sa pagpatay kay Bunduquin. RNT/JGC