Home HOME BANNER STORY Pinay na inaresto sa Tokyo itinangging may kinalaman sa krimen

Pinay na inaresto sa Tokyo itinangging may kinalaman sa krimen

MANILA, Philippines – Itinanggi ng isa sa dalawang Pinoy na inaresto sa Japan dahil sa umano’y pag-abandona sa bangkay ng mag-asawa sa Tokyo na may kinalaman siya sa krimen.

Sa isang panayam, iniulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Deputy Assistant Secretary Bryan Lao na si Hazel Ann Baguisa Morales, isa sa mga naarestong Pilipino, ay mayroon nang abogadong itinalaga ng korte at itinanggi ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.

“Nabisita ng ating Embassy sa police station si Hazel Ann, binigyan ng very limited time, about 20 minutes lang ‘yung panahon na binigay sa ating embahada, pero nakausap nila at na-ascertain naman ang kalagayan niya,” anang opisyal.

Siniguro rin ni Lao na nasa maayos na kalagayan ang kababayan.

Maaaring bigyan ng DFA si Morales ng pribadong abogado sa kanyang kahilingan.

Inaresto si Morales noong Biyernes matapos matagpuang patay ang 55-anyos na si Norihiro Takahashi, at ang kanyang 52-anyos na asawang si Kimie, sa kanilang tirahan sa Adachi Ward ng Tokyo.

Hindi pa kumpirmado kung magkakilala ang mga akusado, dagdag naman ni Lao.

Una rito, nilinaw ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na inaresto ang mga akusado dahil sa pag-abandona at hindi sa pagpatay sa mag-asawa.

Ayon sa balita ng Kyodo, natagpuan ang mga katawan ng mag-asawa na may maraming saksak at senyales ng pagpalag.

Ipinaliwanag ni Lao na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad ng Japan kasunod ng ulat ng anak ng mag-asawa na nawawala ang kanyang mga magulang hanggang sa matagpuang natatakpan ng plastik ang kanilang mga katawan. RNT

Previous articleP45.6M lotto jackpot nasolo!
Next articleSara ‘di magbibitiw sa pagka-VP at DepEd chief