Home NATIONWIDE Pinay na inaresto sa Tokyo sa pagkamatay ng Japanese couple, nasa mabuting...

Pinay na inaresto sa Tokyo sa pagkamatay ng Japanese couple, nasa mabuting kondisyon – ambassador

MANILA, Philippines – Nasa maayos na kondisyon ang Pinay na inaresto sa Tokyo, Japan na may kaugnayan sa pagkamatay ng Japanese couple.

Pinayagang personal na makausap ng consul general ang Filipina na nasa detention center, sinabi ni Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

“Ang request lang po kasi ng pulis na nagpahintulot na pwede tayong mag-meet is hindi raw po puwedeng pag-usapan ang kaso, so kinumusta na lang po namin yung ating kababayan. And ang sabi naman po niya na okay daw po siya, in good condition,” ani Garcia-Albano.

Nakakuha na ang Filipina ng court-appointed lawyer at hiniling sa mga awtoridad dito sa Pilipinas na ipadala ang balita sa kanyang pamilya.

Ang naturang Pinay ay dating kasintahan ng yumaong anak ng mag-asawa. Nakita itong kasama ang isang lalaki sa pamamagitan ng security camera footage noong Enero 16, sa bisinidad ng bahay ng mga ito.

Ngayong linggo ay inaresto na rin ang natukoy na Pinoy na hinihinalang nag-abandona naman sa katawan ng mga biktima.

Nitong Martes, sinabi ng Department of Foreign Affairs na bagama’t inaresto ang dalawang Filipino, hindi pa sila inakusahan na pumatay sa mag-asawang Japanese.

“Hindi po siya inaakusahan na pumatay. Ang akusasyon sa kaniya ay abandonment, meaning kapag ikaw ay may nakitang bangkay o patay na tao at iniwan mo lang at di mo nireport sa police, puwede kang kasuhan kasi maaring kasabwat ka sa pamamatay,” pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega.

“Ayon sa Japanese CCTV, nakita yung Pilipina sa lugar kung saan namatay yung couple at parang dinidispose yung madugong damit ng mga couple kaya siya ay under investigation ngayon,” dagdag pa niya.

“Wag natin sabihin na siya ay inaakusahan na pumatay. Wala pa tayo doon.”

Kinilala ng Kyodo News ang mga biktima na sina Norihiro Takahashi, 55, at asawa nitong si Kimie, 52, residente ng Adachi Ward sa Tokyo.

Pumutok ang balita nang iulat ng anak ng mag-asawa sa pulisya na nakakita siya ng mga bakas ng dugo sa kanilang bahay noong Enero 16.

Doon na nadiskubre ang bangkay ng dalawa sa sahig ng kanilang banyo. Mayroon itong mga saksak sa katawan, at posibleng nanlaban pa ang lalaki bago tuluyang napatay. RNT/JGC

Previous articleTulak arestado sa P340K shabu sa Valenzuela
Next articleSuspension order ng NTC, tinawag ng SMNI na ‘unconstitutional’