MANILA, Philippines – Nagtangkang tumakas palabas ng bansa ang isang Pinay na nameke ng mga dokumento at nagpanggap pa na may asawa abroad, iniulat ng Bureau of Immigration.
Ayon sa BI nitong Biyernes, Oktubre 27, isang Filipina ang nagsabing bibisitahin niya umano ang kanyang asawa sa Oman ngunit nadiskubre na lahat ng mga dokumentong ipinakita nito ay peke.
Sinabi pa ng BI na alam ng babae na ang kanyang mga dokumento ay peke at nagbayad umano ng mahigit P30,000 para magkaroon nito.
Naniniwala ang ahensya na ang mga dokumento ay gagamitin para makapagtrabaho ng illegal sa ibang bansa.
Natuklasan ng immigration bureau na ang wedding certificate na ipinakita nito ay peke, maging ang affidavit of support para sa kanyang “non-existent” husband. Dagdag pa, nagpakita rin umano ito ng edited wedding picture.
Nagpapakita lamang ayon sa BI, na naakit ang babae na kumuha ng illegal na serbisyo dahil sa mga napakinggang magagandang kwento ng pagtatrabaho sa ibang bansa mula sa kanyang recruiter at iba pang kliyente.
Napag-alaman ng BI na nagtangka nang pumuslit palabas ng Pilipinas ang babae ngunit naharang din sa pagpapakita ng hindi tugmang mga dokumento.
Ipinasa na sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang kaso ng Filipina para masampahan ng reklamo ang kanyang recruiter.
Nagbabala naman ang BI na huwag pumatol sa mga recruiter na nagbibigay ng pekeng dokumento. RNT/JGC