MANILA, Philippines – Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Filipina trafficking victim na nagpresenta ng pekeng Belgian passport na nabili umano sa pamamagitan ng TikTok.
Sa pahayag nitong Sabado, Setyembre 9, sinabi ng BI na nagtangka ang Filipino na sumakay ng Kuwait Airlines flight patungong Ercan, Cyprus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at sinabing siya ay lilipad naman mula Kuwait patungong Izmir, Turkey.
Ipinasa ng immigration officers ang kanyang dokumento para sa forensic screening makaraang makitaan ng pagkakaiba-iba sa pasaporte nito at arrival stamps.
Lumabas sa resulta na ang kanyang pasaporte, residence card, at immigration stamps ay pare-parehong peke.
Bago rito ay ipinagpilitan ng biktima na siya ay Belgian national ngunit kalaunan ay inamin na siya ay dating overseas Filipino worker na may Philippine passport, upang maiwasan ang pag-aresto bilang illegal alien.
Ayon sa biktima, nakabili siya ng pekeng EU passport sa Tiktok sa halagang P700,000 para makabiyahe “visa-free” sa iba’t ibang bansa.
Sinabi rin niya na pinangakuan umano siya ng trabaho bilang caregiver sa P180,000 buwanang sahod sa Greece.
Itinurn-over na ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking para makapaghain ng reklamo laban sa kanyang recruiter. RNT/JGC