MANILA, Philippines- Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo na naharang ng mga tauhan nito ang isang Filipina, na hinihinalang biktima ng human trafficking, matapos tangkaing magtungo sa Thailand kasama ang kanyang recruiter.
Inihayag ng BI na naharang ng mga tauhan nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Biyernes ang 29-anyos na itinago sa pangalang “Lynne,” matapos tangkaing sumakay sa Philippine Airlines flight papuntang Bangkok.
Sinabi ng BI na nagpakilala si “Lynne” bilang turista na bibiyahe kasama ang kanyang kaibigang itinago sa pangalang “Che” matapos magtrabaho bilang isang factory worker sa Taiwan.
Subalit, napansin ng immigration officers ang hindi pagtugma ng kanyang pahayag at mga dokumento, at kalaunan ay napag-alaman na ni-recruit siya para magtrabaho sa isang Thailand-based Chinese company.
Hinala pa ng BI officers, si “Che” ang nangasiwa sa recruitment ni “Lynne,” sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga pekeng dokumento at pagpapalabas na ang biktima ay isang lehitimong turista.
Nagtatrabaho umano si “Che” bilang recruitment assistant para sa isang manpower agency sa Pilipinas at ilang beses nang nakapunta sa Thailand, ayon sa BI.
“We are now looking into alias Che’s records to see if she has facilitated the travel of other workers in the past,” pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Dalawang araw bago ang insidente, isa pang hinihinalang human trafficking victim ang naharang ng mga awtoridad nitong Miyerkules matapos tangkaing lumipad patungong Vietnam.
Sinabi ng biktima na itinago sa pangalang “Issa,” na bibiyahe siya papuntang Vietnam bilang turista matapos imbitahin ng kanyang kaibigang Vietnamese.
Subalit, isiniwalat ng Department of Migrant Workers (DMW) na si “Issa” ay patungong Cambodia matapos ma-recruit.
“We suspect they might have been recruited for a catphishing syndicate, similar to those previously intercepted and repatriated,” ani Tansingco.
Nai-refer na ang dalawang kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas masusing imbestigasyon.
Maghahain din ng kaso ang mga awtoridad laban sa recruiters. RNT/SA