MANILA, Philippines- Mahigit 124,000 Filipino factory workers sa Taiwan ang makikinabang sa pagtaas ng monthly minimum wages na epektibo sa 2024.
“The Taiwan government has approved a 4.05 percent increase in the monthly minimum wage for workers in the industrial sector that will also benefit migrants, including overseas Filipino workers,” pahayag ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) nitong Huwebes.
Sinabi ni MECO chairman Silvestre Bello III na inaprubahan ang wage adjustment noong Sept. 13 at iiral sa Jan. 1, 2024.
Ayon sa pahayag, saklaw ng wage increase ang 124,265 Filipino factory workers sa Taiwan. Subalit, hindi nito sakop ang live-in migrant caregivers at household service workers na hindi pasok sa Taiwan Labor Standards Act.
Dagdag pa, mula NT$26,400 (halos ₱46,949.58), itataas ang monthly minimum pay sa NT$27,470 (nasa ₱48,852.46) simula sa susunod na taon, habang ang basic hourly rate ay iaakyat mula NT$176 (halos ₱313) sa NT$183 (halos ₱325.45).
Mayroon halos 1.79 milyong salaried employees at 600,000 hourly workers sa Taiwan, kabilang ang migrants. Halos 154,000 Pilipino ang nananatili sa Taiwan.
Sinabi pa ni Bello na ang mga Pilipinong maha-hire sa Taiwan hanggang Dec. 31, 2023 ay saklaw ng bagong wage rates. RNT/SA