MANILA, Philippines – Muling bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Mayo, ayon sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) Labor Force Survey ngayong Biyernes.
Base sa datos ng PSA, ang bilang ng mga taong walang trabaho na may edad 15 taong gulang pataas ay lumiit sa 2.17 milyon noong Mayo 2023 mula sa 2.26 milyon noong Abril 2023.
Mas mababa rin ito sa 2.93 milyong unemployed na indibidwal na naitala noong Mayo 2022.
Bilang porsyento sa kabuuang 50.43 milyong katao na labor force, ang unemployment rate ay nasa 4.3%, mas mababa sa 4.5% noong Abril 2023 at 6% noong Mayo 2022.
Ibig sabihin, 43 sa 1,000 indibidwal ang walang trabaho o kabuhayan noong panahon, ayon kay PSA chief Claire Dennis Mapa.
“Ito ang pangalawang pinakamababa sa naitalang unemployment rate simula noong Abril 2005,” dagdag pa ni Mapa. RNT