Home NATIONWIDE Pinoy pro-China apologists sinupalpal ng PCG

Pinoy pro-China apologists sinupalpal ng PCG

MANILA, Philippines – Tinutulan ni Philippine Coast Guard spokesperson Jay Tarriela ang pahayag ng mga pro-China apologists na ang mga Tsino ay “humanitarians” na nagpapahintulot sa panig ng Pilipinas na mag-resupply sa sira-sirang barkong pandigma noong World War II na BRP Sierra Madre.

Ayon kay Tarriela, may ‘advanced knowledge’ ang CCG at maaaring may informant kaugnay sa kanilang misyon.

Sinagot din ng opisyal ang mga pahayag na ang resupply boat ng Pilipinas sa Ayungin Shoal ay hindi naman naapektuhan ng insidente ng water cannon.

“‘Yung video natin na binobomba tayo ng tubig ay edited daw kasi nagpalabas ng video ang China na hindi tinatamaan ‘yung resuppply ships. Di ba? Kung ikaw ay Pilipino bakit mo naman paniniwalaan ‘yung video na linabas ng China? ‘Yan pa ‘yung ipapakalat mo sa mga tao,” sabi ni Tarriela sa TeleRadyo.

Sinabi ni Tarriela na anim na Chinese Coast guard vessels ang sangkot sa water cannon incident.

Isang araw bago ang insidente ng water cannon, biglang nagsama-sama ang anim na sasakyang pandagat sa Ayungin Shoal upang pigilan ang resupply mission ng Pilipinas at pagkatapos ay bumalik kaagad sa kanilang kinaroroonan, malayo sa Ayungin, pagkatapos ng insidente.

Ayon kay Tarriela, pinaghandaan ng CCG ang resupply mission para harangan ito.

Aniya, may motibo na talaga ang gobyerno ng China upang harangin ang resupply mission.

“That’s why it is not true na pinayagan lang nila na may isang supply boat na makapasok diyan. Nagkataon lang na natalo sila sa patintero nung isang boat na ‘yun kaya nakalusot,” dagdag niya.

Dagdag pa ni Tarriela, maaaring nagkataon na meron silang intel o informant kaya nalaman nila ang galaw ng resupply operations ng bansa.

“We will never abandon Ayungin Shoal. We are committed to Ayungin Shoal,” sinabi ni National Security Council assistant director general Jonathan Malaya.

Sinabi ni Tarriela na hindi siya umaatras sa kanyang mga pahayag na ang mga Filipino na pumanig sa China at nagpapakalat ng mga maling salaysay tungkol sa West Philippine Sea dispute ay mga traydor.

“Naniniwala ako na kung Pilipino ka, dapat ipaglaban mo ang laban natin sa West Philippine Sea. Kaya nga ako nagtataka. Ang intention ko lang naman is to call for unity, magkaisa tayo para i-condemn ang aggressive behavior ng China, hindi yung dumedepensa tayo sa China,” sabi pa ng opisyal.

“Sabi ko kung ikaw ay Pilipino at dumedepensa ka pa sa China, you are doing an unpatriotic act and you can also be considered a traitor. Imagine yung mga sundalo at Coast Guard natin nakikipag patintero sa West Philippine Sea, tapos i-explain mo pa ang side ng China.” pahayag pa ni Tarriela.

Sinabi ng opisyal na hindi siya tumitira ng isang indibidwal, grupo o partido ngunit binigyang-diin na hindi dapat kinokondena ng mga Filipino ang pagsisikap ng gobyerno para protektahan ang soberanya nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBARMM int’l airport inihahanda na
Next article100 BuCor personnel inalis sa serbisyo sa imbestigasyon sa mga kontrabando