Home OPINION PINOY SEAMEN AT OIL PRICE HIKE

PINOY SEAMEN AT OIL PRICE HIKE

NAGSIMULA nang hindi bumiyahe ang mga barkong komersyal palabas at papasok sa Red Sea, lalo na sa bunganga ng dagat ng Bab al-Mandab na 32 kilometro lang ang lapad papasok sa Red Sea.

Ang Bab al-Mandap strait kung tawagin ay nasa pagitan ng Yemen at Eritrea at Djibouti papasok sa Red Sea na nasa pagitan naman ng Saudi Arabia at Egypt na ang Suez Canal naman ang nasa kabilang dulo nito na labasan papunta sa mga bansang Europa.

Ang Bab al-Mandap strait at Suez Canal na lusutan papasok at palabas sa Red Sea ang pangunahing daluyan ng 40 porsyento ng negosyo na langis, electronics, gamot, pagkain, armas pandigma at marami pang iba sa mundo  mula Europa hanggang sa Asya, China at Japan at mga karatig na bansa gaya ng Australia at New Zealand.

MINI-MISSILE, DINO-DRONE

Pinapuputukan ng mga missile at desabog na drone ang mga barko na dumaraan sa Bab al-Mandap mula sa Yemen na sumusuporta sa Hamas laban sa Israel at meron nang mga natamaan.

Apat na sa limang pinakamalalaking shipping line o kompanya ng barko sa mundo ang tumigil na ng biyaheng Red Sea.

Noong una, ang Maersk na nakabase sa Denmark at Hapag Lloyd na nakabase sa Germany ang tumigil.

Sumunod na ang pinakamalaking  Mediterranean Shipping Company (MSC) na pag-aari ng mga Italian at Swiss at CMA CGM na pag-aari ng mga Pranses.

Kabilang sa mga barko na naharang ng mga Houthi sa Yemen ang Galaxy Leader na sinakyan ng 17 crew na Pilipino.

Isa sa dalawang barko ng MSC ang tinamaan ng drone habang isa pa ang minissile ngunit hindi natamaan.

Meron na rin umanong minissile o drinone na mga barko ng Maersk at Hapag Lloyd.

Upang makaiwas sa nangyari sa Galaxy Leader o malubugan o masiraan ng mga barko, ayaw na ng shipping lines ang bumiyahe muna sa loob ng Red Sea.

Lalo’t ang mga missile at drone ng mga Houthi ay umaabot mismo sa Israel kung hindi nahaharang at kung ganoon, sa kahit anong barko sa loob ng Red Sea.

PINOY SEAMAN AT PRESYONG LANGIS

Kung may magbibiyahe man umano ng langis mula sa Saudi Arabia, Egypt, Eritrea o Djibouti at magpasok ng iba pang mga kalakal sa mga bansang ito, kailangan na nilang papasok at lalabas sa Suez Canal sa Egypt at hindi na sa Badb al-Mandap.

Mula sa Suez Canal, kailangan pang umikot ang mga barko sa kadulo-duluhan ng Africa sa south para makapunta sila sa Asya.

Pero nagbabala na ang mga shipping line na kung mangyari ito, magmamahal ang lahat dahil magmamahal ang mga insurance, lalaki ang gastos pagbibiyahe sa layo ng iikutan ng mga barko at iba pa.

Kaya naman, mga Bro, paghandaan na ang pagmamahal ng langis mula sa Saudi Arabia, Egypt, Iran at iba pa.

Sa bahagi ng mga Pinoy seaman na nadadamay sa tigil-biyahe ng mga barko, paano?

Maliligtas man sila sa mga nanghaharang mula Yemen at Somalia, nanganganib naman ang empleyo nila sa pagtigil ng mga barko sa pagbiyahe.

Gutom at paghihirap ‘yan sa Pinoy seamen.

Ano-ano na ang paghahanda ng pamahalaan, natin, sa panibagong panganib sa Pinoy seamen at nakaambang paglobo muli ng presyo ng langis at kalakal?

 

Previous articleKARDINAL: MAY ATIK NA, MATULIS PA
Next articleKarla, tinapatan si Kathryn!