MANILA, Philippines – Umabot na sa P300 milyon ang pinsalang idinulot ng oil spill sa Pola, Oriental Mindoro.
Sa televised public briefing, sinabi ni Pola Mayor Jennifer Cruz na sakop ng halaga ng pinsala ay mula sa mga apektadong dalampasigan, kabilang ang bakawan na nasa P134 milyon, at pinsala sa kabuhayan ng mga mangingisda na mahigit P100 milyon.
“More or less P300 million mahigit po yung pinag-uusapan nating danyos pagdating sa municipality of Pola,” ani Cruz.
Sinabi ng alkalde na nakatanggap na ng bayad mula sa cash-for-work program ang mga apektadong residente.
Ang ilan naman sa mga apektadong mangingisda ay sumusubok na sa ilang alternatibong pangkabuhayan katulad ng paggawa ng banana chips at pananahi.
Ayon kay Cruz, naghihintay din sila ng tulong mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga apektadong residente.
“Wala pa po kasi kaming natatanggap from DTI and BFAR, naghihintay po talaga kami doon sa promise ng national [government],” aniya.
Wala pang tugon ang DTI at BFAR kaugnay nito.
Sinabi ni Cruz na nais din nila ng long-term livelihood program para sa mga apektadong residente.
Matatandaan na noong Pebrero 28 ay lumubog ang MT Princess Empress karga ang 900,000 litro ng industrial fuel oil sa dagat na sakop ng Naujan, Quezon at nagdulot ng oil spill. RNT/JGC