MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P300 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog na naganap sa makasaysayang gusali ng Manila Central Post Office sa Liwasang Bonifacio, Magallanes Drive, Ermita, Maynila nitong Lunes ng umaga, Mayo 22.
Batay sa report ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region, nilamon ng apoy ang apat na palapag ng gusali na nagsimula sa general services section sa basement.
Nagsimula ang sunog pasado alas-11 ng gabi, araw ng Linggo at kalaunan ay iniakyat sa General Alarm.
Ayon sa BFP, pito sa kanilang mga bumbero at volunteer ang sugatan habang inaapula ang mala-impyernong sunog.
Kinumpirma naman ni BFP-NCR Chief Supt. Nahum Tarroza, na 100% na nilamon ng apoy ang gusali na aniya ay isang heritage building.
Sinabi ni Tarroza na nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog sa gusali dahil nagsimula ang sunog sa basement na masyadong delikado.
Bukod dito, nauubusan din ng tubig ang tangke ng mga fire trucks kaya ang iba ay kumuha pa ng tubig sa Pasig River at maging ang tubig sa fountain ng Liwasang Bonifacio na ginamit na rin ng mga bumbero.
Aniya, mabilis na lumaki ang sunog dahil sa mga papel sa loob ng Post Office bukod pa sa gawa sa kahoy ang sahig ng ikatlong palapag ng gusali.
Sa ngayon, lahat aniya ng anggulo o maaaring sanhi ng sunog ay kanilang tinitignan tulad ng electrical, sinadya o aksidente.
Hindi pa rin ito tuluyang idinideklarang fire out dahil may usok pang lumalabas sa gusali. Jocelyn Tabangcura-Domenden