Home NATIONWIDE PIRMA lead convenor umamin sa Senado: Romualdez ‘all-out support’ sa PI

PIRMA lead convenor umamin sa Senado: Romualdez ‘all-out support’ sa PI

Nabuking sa Senado na ginanap ang pagpupulong ng lead convenor ng People's Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA) na si Noel Oñate at ilang kongresista na ginawa sa mismong tahanan ni House Speaker Martin Romualdez. Cesar Morales

MANILA, Philippines- Inamin ng lead convenor ng People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) sa Senado na nakipag-ugnayan ang kanilang grupo kay House Speaker Martin Romualdez upang kumalap ng 3% of signatures kada congressional district para sa people’s initiative sa Charter change (Cha-cha).

Sa kanyang testimonya sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on electoral reforms and peoples’ participation, sinabi ni PIRMA lead convenor Noel Oñate na ginanap ang unang pulong sa paglulunsad ng PI sa mismong tahanan ni Romualdez.

“That was the time that I coordinated with the Speaker…That was the time that I sought the help of the Speaker to help us in the signature campaign,” ayon kay Oñate.

Sa tanong ni Senador Imee Marcos kung sinusuportahan ni Romualdez ang PIRMA sa signature camapign, sinabi ni Oñate na ang Kongresista ay “all out behind the people’s initiative.”

“Yes, we coordinate with the Speaker and the congressmen in getting the 3% per congressional district. That’s correct, madam senator,” giit pa ng abogado.

Inamin ito ni Oñate matapos ipakita ni Marcos ang isang larawan nito kasama sina Romualdez, Ako-Bicol Rep. Elizaldy Co, at ilang abogado na may caption na: “People’s Initiative for Charter Change Staff Meeting” dated January 8, 2024.

Ayon kay Oñate, siya ang unang nagtakda ng meeting sa kanyang tahanan pero kalaunan, pumayag si Romualdez na gawin ito sa tahanan ng Speaker.

Sa una, giit pa ni Oñate, pagkatapos ng interpellation ni Senador Francis Escudero, nakipagkita siya kay House constitutional amendments chairman Rufus Rodriguez at dating Ako-Bicol Rep. Alfredo Garbin.

Pero nang tanungin kung bakit nasambit niya ang pangalan ni Romualdez at Co sa unang set ng tanong na ibinato ni Escudero, sinabi ng lead convenor ng PIRMA lead na: “It slipped my mind.”

Sinabi pa ni Oñate na nagsimula ang usapan sa people’s intiative nitong Enero 2 at kanyang ibiniluntaryo ang impormasyon kay Garbin.

Sinimulan ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation sa sinasabing payoffs sa signature drive para sa Charter change nitong Martes.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Senador Grace Poe na dapat maliwanagan ng mga Pilipino kung ano ang talagang nangyayari dahil marami sa kanila ang nakakarinig ng makukulay na salita subalit hindi umano natatalakay ang tunay na isyu.

“Sa ating mga kababayan, ang Senado po at mga Senador ay hindi takot sa pagbabago, ngunit pagbabago na dapat naaayon sa kabutihan ng ating mga kababayan,” giit ni Poe.

Nilinaw pa ni Poe na, “Hindi ko lang po ito sinasabi dahil ito po ay talagang ginagawa na ng Senado, kung totoo pong sa ekonomiya nakatutok ang pakay ng pagpapapirma, bakit hindi na lang po inilagay ‘yun sa kanilang petisyon?”

“Bakit ang nakalagay dito ay voting jointly at the call of the Senate President or the Speaker of the House?” aniya.

“Bakit hindi na lang nilagay na, sa ating mga kababayan, “payag ba kayo na baguhin natin ang mga probisyon na nakatutok sa ekonomiya? Malinaw na malinaw na mayroon silang ibang pakay dito,” ayon pa sa senadora.

Itinatanong sa signature campaign ng PIRMA kung pabor ang botante na amyendahan ang Article 17 Section 1 ng 1987 Constitution na payagan ang lahat ng miyembro ng Kongreso na bomoto nang magkasanib sa panukalang constitutional amendments.

Lulusawin ng people’s initiative ang kapangyarihan at karapatan ng Senado na bumoto nang hiwalay sa anumang gagawing batas o pagbabago sa Saligang Batas. Ernie Reyes

Previous articleComelec ‘nagkusa’ sa suspensyon ng pagtanggap ng signature forms para sa PI
Next articleMarcoleta sinopla sa Senate probe sa nabigong people’s initiative