Home NATIONWIDE PIRMA pinakilos ni Romualdez para sa pekeng peoples’ initiative – Bato

PIRMA pinakilos ni Romualdez para sa pekeng peoples’ initiative – Bato

MANILA, Philippines – Kinalap ni House Speaker Martin Romualdez ang pekeng organisasyon na People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA) upang pamunuan ang pekeng peoples’ initiative para sa Charter change (Cha-cha) signature campaign, ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Taliwas ito sa pag-amin ni PIRMA lead convenor Noel Oñate na humingi sila ng payo at ayuda kay Romualdez na kumuha ng 3% lagda kada congressional district para sa people’s initiative for Charter change (Cha-cha).

Kamakailan, ibinulgar ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi rehistrado ang PIRMA sa pamahalaan kaya hindi ito maituturing na legal na organisasyon na umiiral sa bansa sa ilalim ng batas.

Ganito ang pagtatas ni Dela Rosa sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate electoral reform and people’s participation sa sinasabing payoffs at panunuhol sa kontrobersiyal na people’s initiative.

Lumitaw sa imbestigasyon na nagkakasalungat ang statement ni Atty Alex Avisado, legal counsel ni Oñate at petitioner Anthony Abad sa pagtugon kung sino ang nagpaimprenta ng signature forms.

“Kung basehan natin ‘yung mga timeline ‘no, I’m slowly getting the impression na parang lumalabas na hindi itong PIRMA and pumunta sa House of Representatives para magpatulong sa PI. Parang lumalabas, it’s the other way around. ‘Yung House leadership ang nagpapatulong dito sa PIRMA para mapapatakbo ‘yung PI,” ayon kay Dela Rosa.

“Parang gano’n lumalabas dahil hindi pa nga kayo organized, two weeks ago hindi pa kumpleto ‘yung inyong organization so forgive me if I’m wrong pero that’s my impression developing in my mind… Kasi para bang… prepared na lahat, printado na ang lahat itong mga papel. Kayo hindi pa nga kayo naka organize ng mga tao tapos pah! ‘Yun na, pirma na. Kuha na kaagad ng pirma tapos saka kayo come into the picture. My impression only based on their statements,” giit pa niya.

Piniga sa pagdinig sina Avisado at Abad na kilalanin kung sino ang nagpaimprenta ng signature forms.

Ayon kay Avisado, si Red Tuazon mula sa grupo ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang kumilos sa operasyon na may tungkulin sa pag-iimprenta ng signature forms.

Ani Avisado na unang nakumpleto ang signature forms mula kay Abad, na nagrebyu sa signature sheets, bago ang forms na ginawa ng PIRMA.

Pero, sinabi ni Abad na sangkot na ang PIRMA nang makumpleto ang signature form para sa people’s initiative.

Dito nalito ang mga senador kaya napilitan silang linawin ang timeline na sinambit sa unang hearing.

Ayon kay Abad, Nobyembre nang unang nakipagkita sila kay Onate, ang lead convernor ng PIRMA saka binanggit ang putong kay Speaker Martin Romualdez.

“Bakit si speaker na bigla? Akala ko ba hindi siya kasali?” tanong ni Marcos.

Dito natawa si Dela Rosa sa pagsasabing, “Nahuli ka sa sarili mong bibig ha.”

Hindi pa rin nasagot kung sino ang nagpaimprenta ng signature forms.

“So wala tayong alam? Bigla na lang sumulpot ‘yung mga papel?” tanong ni Marcos ka’t naisagot ni Abad na, “I didn’t see the printing.”

Nakalagay sa signature forms ng Peoples’ initiative kung pabor itong amendahan ang Article 17 Section 1 ng Constitution na pinapayagan ang lahat ng miyembro ng Kongreso na bomoto ng sabay sa panukalang constitutional amendments.

Sinuspinde ng Commission on Elections ang lahat ng proseso na may kaugnayan sa people’s initiative. Ernie Reyes

Previous articleVP Sara nanawagan ng mabilis na aksyon sa pananambang sa doktor sa Maguindanao
Next article1 patay, 1 sugatan sa banggaan ng trak, motorsiklo