MARAMI ang nagagalit sa mga balitang galing sa Senado.
Nagagalit sila dahil sa sobrang mahal talaga ang kuryente sa Pilipinas at marami pang lugar ang hindi maayos ang suplay ng kuryente.
Nasa 12 taon na ang nakalipas, number 1 ang Pinas sa may pinakamahal na kuryente sa buong Asya mula Australia hanggang Japan.
Noong 2018, pangalawa naman at sa mga taong ito, pang-ilan naman kaya?
Ilan sa pinakahuling balita mula sa Senado na ang 99 porsyentong kita umano ng National Grid Corporation ay ipinamimigay nito sa mga stockholder bilang dibidendo nito ngunit halos wala namang ginagawa para mapabuti ang koneksyon ng mga kawad ng kuryente sa buong bansa.
Kasama rin ang paniningil ng NGCP sa mga kostumer ng panggastos sa mga proyekto kahit delayed na delayed naman ang pagtatapos ng mga ito.
Habang umiiral ang mahal na kuryente, panay ang awit ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga dayuhan na magtayo ng kanilang negosyo sa Pinas. At isa nga sa mga katangian ng Pinas ang pagkakaroon ng mga manggagawang magagaling na magsalita ng dayuhang wika na tiyak na pakikinabangan ng mga dayuhan, masisipag at matiisin, bukod sa medyo mababang sahod.
Pero bantulot ang maraming mamumuhunan dahil sa napakamahal na kuryente habang ang iba na nagtayo na sa Pinas, eh, lumilikas sa ibang bansa.
Kaya huwag na tayong magtaka na kakaunti ang gustong mamuhunan sa Pinas dahil ang dapat nilang kitain, eh, nilalamon lang ng mga kompanya ng kuryente.
Siyempre pa, iniiwasan ng mga mamuhunan ang korapsyon.
Hindi ka basta makapagtayo ng negosyo sa Pinas na hindi ka daraan sa sangkatutak na papeles para sa permit, prangkisa at iba pa na bawat pirma, may nakasahod na napakaruming kamay.
At kung nakagawa ka na ng produkto na ibibiyahe sa merkado, nandiyan din ang mga buwaya sa kalsada, kasama na ang mga depektibo o wala sa hulog na mga traffic light na ginagawang gatasan ng mga local government unit.