MANILA, Philippines – NAARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong dayuhang pugante sa Las Pinas City.
Ayon kay Commissioner Norman Tansingco, ang pitong pugante na kinabibilangan ng apat na Chinese at tatlong Taiwanese ay nasa kustodiya na ng BI Custodial Facility matapos maaresto ng Philippine National Police (PNP).
“We recently received information from their country that they are wanted fugitives,” ayon kay Tansingco.
“Hence a mission order was issued against them and they were arrested for being undesirable aliens,” dagdag pa nito.
Kinilala ang apat na Chinese nationals na sina Zhang Quanbao, Song Tianming, Yu Liming, at Liu Jianxin habang ang tatlong Taiwanese ay si Li Yi Liang, Huang Hsin-Chiang, at Lin Yue Hong.
Nabatid mula sa awtoridad na ang warrant of detention ay inisyu laban sa mga Chinese nationals ng Public Security Bureau sa China dahil sa kinakaharap nilang kaso na Contract Fraud, Drug Trafficking, Telecom Fraud at Theft.
Habang nag-isyu naman ng warrant of arrest ang Taoyuan and Taichung District Prosecutors Office sa Taiwan para sa pag-aresto sa mga puganteng Taiwanese dahil sa Fraud at pananakit.
Nabatid na ang pitong dayuhan ay nagtatrabaho sa isang sindikato ng online gaming sa Pilipinas.
Mananatili sila sa BI Facility sa Bicutan habang inihahanda ang deportasyon sa kanila. JAY Reyes