MANILA, Philippines- Inihayag ng asosasyon ng mga mangingisda sa Pag-asa Island nitong Biyernes ang kanilang pagtutol sa plano ng militar na sanayin sila upang maging bahagi ng reserve forces sa gitna ng agresyon ng China sa West Philippines Sea (WPS).
Sa isang panayam, sinabi ni Pag-asa Island Fisherfolk Association president Larry Hugo na nananaisin na lamang nilang iulat ang anumang untoward incident sa lugar.
“Medyo mahirap po sa amin na mangingisda ‘yun. Tama lang po na magre-report kami na may mga insidente… Hindi po kami papayag. Tamang report lang po kami. Doon na lang po kami,” pahayag niya.
“Hindi po kami hahawak ng armas,” dagdag ni Hugo,
Pinatatakbo ng grupo ang 36 fishing boats sa katubigan sa Pag-asa, base kay Hugo.
Sa press briefing sa Palawan nitong Huwebes, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. na sinisilip nila ang pagtatatag ng maritime militia sa West Philippine Sea upang palakasin ang presensya sa lugar.
Sinabi ni Brawner na target ding sanayin ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar para maging bahagi ng reserve forces.
Inilahad niya ito matapos gamitan ng Chinese vessels noong August 5 ng water cannons at magsagawa ng delikadong maniobra laban sa Philippine vessels sa resupply mission para sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“Yes, it’s part of our plans,” ani Brawner nitong Huwebes. “We’re also trying to develop our reservists who will be able to operate in the sea.”
Dagdag ng opisyal, “And then of course, ‘yung gusto natin ‘yung mga fisherfolks natin gawin din nating reservists at tuturuan natin sila kung paano sila makakatulong sa pagdipensa ng ating bansa.” RNT/SA