Home METRO Plastic palit bigas at sardinas inilunsad ng isang parokya sa Pasay

Plastic palit bigas at sardinas inilunsad ng isang parokya sa Pasay

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Our Lady of Sorrows Parish Church (OLS) ang isang proyekto na malaki ang maitutulong sa kalikasan kasabay na rin ng pagtulong sa mga nangangailangan sa Pasay City.

Ayon sa officer-in-charge ng Our Lady of Sorrows Parish Church Foundation na si Leonor Mendoza-Loor, kanilang pinapalitan ng bigas, sardinas at instant noodles ang kada 10 bote ng plastik.

Dinumog at hindi nagpatinag na pumila sa ilalim ng matinding sikat ng araw ang mga residente ng Pasay dahil bukod pa sa makukuhang biyaya sa kanilang pagtitiyaga ay may libre pang meryendang nakalaan para sa lahat ng mga nakapila.

Sinabi ni Mendoza-Loor na marami ang natuwa at nabiyayaan sa kanilang paglulunsad ng nabanggit na proyekto katuwang ang Filipino-Chinese community na taunang ginaganap kaugnay sa pagdiriwang ng Chinese New Year.

Dagdag pa ni Mendoza-Loor na umabot sa sampung libong residente hindi lamang galing sa kanilang nasasakupan na parokya kundi nagmula pa ang mga ito sa kalapit na mga barangay ang napagkalooban ng biyaya nang dahil sa plastik na gagamitin umano ng OLS sa kanilang susunod na iba’t-ibang darating pang mga proyekto.

Ang OLS ang ikalawa sa pinakamatanda at nag-iisang parokya sa Pasay na pinangangasiwaan ng mga Paulines sa bansa. (James I. Catapusan)

Previous articlePinas, ika-53 sa global democracy index
Next articlePESO desk itatatag sa Navotas