Home NATIONWIDE Plebisito sa Cha-cha iminungkahing isabay 2025 midterm polls

Plebisito sa Cha-cha iminungkahing isabay 2025 midterm polls

MANILA, Philippines- Gustong isabay ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara sa 2025 midterm elections ang plebisito sa charter change na mag-aamyenda sa 1987 Constitution.

Sinabi ni Angara, nangunguna sa committee-level deliberations sa resolution na naglalayon ng amendments sa economic provisions ng 1987 Constitution, na dapat gawin ang Plebisito sa loob ng 60 hanggang 90 araw matapos aprubahan ng Kongreso ang anumang charter change.

“Ang goal ko kasi, although the Constitution also sets the timeline, you must set the plebiscite 60 to 90 days after it [was] passed by Congress. We have to reconcile that timeline of having the plebiscite along with the 2025 elections kasi magastos ang plebiscite,” ayon kay Angara sa radio interview.

Sinabi ni Angara na kanyang kokonsultahin ang ibang miyembro ng Senado sa timeline saka binanggit na gagastos nang bilyon ang pagsasagawa ng Plebisito.

“Nandun ‘yung legal pero praktikal din tayo para makatipid sa pera ng bayan. Mas mabuti siguro ‘yun pero that’s my personal opinion. I have to consult my colleagues as to the timeline of the plebiscite kasi ‘yung efficiency at saka economics pag-uusapan din kung paano makakatipid ang taumbayan,” ayon kay Angara, chairman ng Senate finance committee.

Naunang sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa unang pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6), na “the timeline is in your hands” with regard to how long the discussions on RBH 6 should run.”

“The Senate is working very hard to listen to the clamor of certain sectors, to look at and revisit the 1987 Constitution. But we will not be falling into a trap on any deadline because to discuss such an important matter needs time, it needs study. It cannot be rushed like any regular bill that is just approved without thinking,” ayon kay Zubiri.

“This is not something that needs to be rushed given the importance. Kung ‘yung pangkaraniwang patakaran ay talagang dinedebate natin, mas lalo na ‘to dahil ito ay pinakamahalaga o pinakamataas na batas sa bansa, ang mismong Saligang Batas,” wika niya.

Kasabay nito, inihayag naman ni Senador Lito Lapid na hindi isang simpleng bagay ang pag-amyenda sa 1987 Constitution dahil mas maraming tanong ang dapat sagutin at tugunan ng proponents ng charter change.

“Una na po diyan ay kung kailangan bang amyendahan ang Konstitusyon. Tapos ay kung ano ang dapat baguhin. Panghuli ay kung paano ito dapat gawin,” ani Lapid.

Ayon kay Lapid na tiyak na napakaraming tinig ang dapat pakinggang, maraming bagay ang dapat pag-aralan sa bawat hakbang sa deliberasyon ng charter change.

“Subalit ang pinakamahalaga po na dapat nating malaman sa prosesong ito, kung para po kanino ang Charter Change. Sino po ang makikinabang sa bawat panukalang pagbabago?” giit niya.

Aniya, napakalaki ang bahagi ng Senado sa anumang usapin hinggil sa ating Saligang Batas.

“Tayo po ay inihalal ng buong bansa para makita ang perspektibo na iba subalit katuwang ng pananaw ng House of Representatives. Anuman pong inisyatiba na mag-aalis sa tinig ng Senado ay nagbabalewala ng tinig ng milyun-milyong Pilipinong naglagak ng kanilang pag-asa sa atin upang maging tinig nila sa lehislatura,” pahayag ng senador.

“Handa po ang inyong Senado sa hamon na pag-usapan ang mga panukalang pagbabago sa ating Konstitusyon. Tiwala po tayo sa ating Senate President Migz Zubiri at sa pamunuan ng Senado na pangunahan tayo sa isang makabuluhang pag-aaral ng ating Konstitusyon kung saan ang interes ng bayan ang magiging pinakapangunahing konsiderasyon at batayan ng anumang magiging pasya ukol dito,” dagdag ng mambabatas. Ernie Reyes

Previous articleSenado nanindigan sa transparency, accountability
Next articlePH mangunguna sa pagpapairal sa rule of law, pagsusulong ng social stability sa ASEAN sa bagong ALA Philippines officers