Home HOME BANNER STORY Plebisito sa Hulyo para sa Cha-cha malabo – Comelec

Plebisito sa Hulyo para sa Cha-cha malabo – Comelec

MANILA, Philippines- Sinabi ni Commission on Elections chairperson George Garcia na malabong mangyari ang inaasahang plebisito para sa People’s Initiative upang amyendahan ang 1987 Constitution sa Hulyo.

Ayon kay Garcia, wala pang sapat na pirma ang komisyon mula sa mga bayan at lungsod para matuloy ang plebisito sa loob ng anim na buwang timeline.

“May nakita akong (nagsabi na) June, may nakita rin akong July. Mukha pong napakalapit naman, masyadong ine-estimate, Masyadong napapangunahan yung Commission on Elections sapagkat magve-verify pa po kami ng signatures later,” sabi ni Garcia.

“Base sa ating monitoring, 253 po ang ating distrito. E mukhang wala naman pong 253 na distrito ang nagkakaroon ng mga signatures na nasusubmit sa local Comelec natin. Ang usapan, dapat lahat ng distrito sa buong Pilipinas,” ayon pa sa Comelec chair.

Kasunod ang  pahayag ni Garcia ng mga ulat na ang pagtataguyod ng People’s Initiative para sa Charter change o Cha-cha, na naglalayong magkaroon ng plebisito sa Hulyo, ayon kay Albay Representative Joey Salceda.

Ngunit ayon kay Garcia, hindi pwedeng matali ang Comelec sa timeline ng kahit anong grupo o tao.

Base pa kay Garcia, may timeline ang Comelec alinsunod sa umiiral na patakaran at batas.

“Yung sinasabi nilang dates, nabasa ko rin ‘yan, pero ang katotohanan, paano nila masasbi yung timelines gayong wala pa namang fina-file sa Comelec?” pahayag ni Garcia.

Idinagdag pa niya na ang inaasahang plebisito sa Hulyo ay maaaring maging posible kung ito ay naisumite sa unang linggo ng Enero.

“Siguro po pag na-submit nila yan as early as January first, first week baka mahabol pa pero nasa pangatlong linggo na tayo ng Enero. At again, ngayon po ay nagsusumit pa lang ng signatures sa mga election officers at at the same time di pa ganon kadami,” sabi ni Garcia.

Inihayag din ni Garcia na gugugol ng panahon ang beripikasyon ng lagda upang masiguro ang transparency at validity.

Samantala, sinabi ni Garcia na nitong Huwebes, ang mga lokal na tanggapan sa mga lungsod at munisipalidad ay nakakalap ng hindi bababa sa 726 registration forms. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleVicki, binanatan sa pagpapabili ng Paris cake!
Next articleDSWD nagbigay ng P13M tulong sa mga biktima ng baha, landslide sa Davao Region