MANILA, Philippines- Hiniling ni Chief presidential legal adviser Juan Ponce Enrile sa Sandiganbayan na ibasura ang kanyang plunder case sa umano’y misuse ng kanyang Priority Development Assistance Fund.
Pinaboran ng third division ng anti-graft court noong nakaraang buwan ang kanyang motion for leave of court to file a demurrer to evidence, na humihirit ng agarang pagbasura sa kaso kapag naipresenta na ng prosekusyon ang mga ebidensya nito.
“Enrile has filed his demurrer and the prosecution has been given a period of time to file its comment/opposition,” pahayag ni Sandiganbayan Presiding Justice Cabotaje-Tang.
Hindi nagpresenta ang defendant ng ebidensya sa basehang mahina ang katibayan ng prsekusyon. Kailangan munang payagan ang leave of court bago makapaghain ang defendant ng demurrer.
Samantala, ibinasura ng korte ang motion for leave of court na inihain ng dating chief of staff ni Enrile at co-accused na si Gigi Reyes.
Kinasuhan si Enrile at umano’y mga kasabwat niya ng plunder and graft noong 2014 sa umano’y paglilipat ng ₱170 milyong pork barrel sa bogus non-government organizations na kontrolado ng negosyanteng si Janet Lim Napoles. RNT/SA