MANILA, Philippines – Isinisi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa dami ng mga basura at iba pang mga kalat ang naging pagbaha sa ilang lugar sa National Capital Region nitong Sabado, Setyembre 23.
Sinabi ni MMDA General Manager Procopio Lipana nitong Linggo, Setyembre 24 na narekober ng kanilang mga tauhan ang tambak na basura, katulad ng mga plastik at maging plywood plank, na bumara sa drainage malapit sa EDSA-Camp Aguinaldo.
“Talaga namang sangkaterbang basura ang nakuha despite na continuous ang ating paglilinis sa mga daluyan ng tubig. Ganun pa rin, marami pa rin tayong nakukuha,” pahayag ni Lipana sa panayam ng DZBB.
“Bukod sa talagang maraming basura na nakabara, biglaan din ang pagdating tubig at may kaliitan na talaga ang drainage system natin,” dagdag niya.
Dahil dito, inihayag ni Lipana na plano ng MMDA na lumikha ng 50-year drainage master plan para sa Metro Manila para solusyunan ang perennial flooding sa panahon ng tag-ulan.
Aniya, kailangan i-align at palakihin ang drainage system ng rehiyon para sa lumalaking volume ng tubig.
Bago pa man maisagawa ang master plan, nanawagan ang MMDA sa publiko na itapon ng maayos ang kanilang mga basura upang maiwasan ang pagbaha sa Metro Manila.
“Nagiging malaking dahilan o sanhi ng pagbaha [ang basura]. Oras naman maalis ang mga basura na ‘yan and after several hours, ay bumababa din agad,” ayon kay Lipana. RNT/JGC