Home OPINION PNP ANTI-DRUG OPERATIONS TUTUKAN

PNP ANTI-DRUG OPERATIONS TUTUKAN

MALAKING hamon pa rin sa hanay ng mga pulis ang pag-sawata ng problema sa iligal na droga sa kabila nang mahigpit na kampanya nito laban sa panghuhuli ng mga tulak na pinaniniwalaang naglipana pa rin sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Ito ang marapat pagtuunan ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. na binigyan ng ‘extension’ ang termino hanggang Marso ng susunod na taon batay sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos.

Malaki nga naman ang pagkakaiba kung ihahalintulad sa kampanya ng nakaraang administrasyon na halos nilinis ang kalsada mula sa mga nagbebenta ng bawal na gamot kabilang na ang pagkahuli at pagkaubos ng mga big-time pusher na ugat naman ng pagbaba ng crime rate sa bansa.

Marami kasi ang nagsasabi na bumalik na naman ang mga dating tulak na pansamantalang nagsilayasan matapos ipatupad ang kontrobersyal na madugong kampanya laban dito kung saan libo-libong ‘street peddlers’ ang namatay.

Bagaman ito ngayon ang iniimbestigahan ng International Criminal Court dahil umano sa hayagang paglabag sa karapatang pantao ng nakaraang administrasyon kung saan sa halip na ‘due process’ ang pinairal ay sentensya ng bala’t baril ang ipinatupad na stratehiya upang matigil ang bentahan nito.

Ngunit nanumbalik noon ang inaasam-asam na katahimikan sa kalsada ng Kamaynilaan kung saan nawala ang pangamba ng taumbayan kahit pa maglakad ang sinoman kapag hatanggabi o kaya naman madaling araw.

Hindi raw katulad ngayon na bumalik na naman ang mga holdaper,isnatser at iba pang pang kriminal na kinatatakutan ng mga estudyante’t ordinaryong mamamayang nagsasabi rin na tila kending nabibili na naman sa maliliit na tindahan ang shabu.

Sabihin man na sa panahon ni General Acorda lumutang ang ilang opisyal ng PNP na sabit umano sa kalakaran ng droga sa bansa bilang pinaniniwalaang mga protektor nito subalit malaking hamon pa rin sa pamunuan ng pulisya ang pagbalik ng bentahan ng droga sa kalsada na kinatatakutan ng bawat isa.

Kumbinsido rin ang sambayanan sa mga ginagawang hakbang ng kasalukuyang administrasyon na matuldukan na ang suliranin sa droga kung saan umabot na sa 28,000 na mga barangay ang ideneklarang drug-cleared ngunit kailangan pa rin na ipatupad ang makatotohanan, seryoso at maigting na kampanya laban dito upang tuluyan nang mawala ang takot ng mamamayan sa mga adik ng lipunan.

Previous articleANYARE SA UNITY?
Next articleHALOS LAHAT NAGING BOBO