Home NATIONWIDE PNP bibili ng karagdagang 4K body cams sa 2024

PNP bibili ng karagdagang 4K body cams sa 2024

MANILA, Philippines – Bibili ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang 4,000 body-worn cameras sa susunod na taon, habang ang kasalukuyang suplay ng kanilang device ay nananatiling pagsubok sa ahensya sa nasa 3,000 units lamang.

Sa panayam, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang pulisya ay gumagamit ng kasalukuyang 2,956 body cameras, malayo mula sa ideal number ng nasa 40,000 hanggang 45,000.

“For 2024, I understand ay merong additional na at least nasa around 4,000 ata ‘yung request namin na kasama sa budget. Hopefully by next year ay ma-fulfill na ‘yung kaunti nating variant. Hindi man ‘yung kabuuan ng 45,000 pero at least, base sa huling budget hearing, ay kasama sa 2024 budget ‘yung procurement ng additional body-worn cameras,” ani Fajardo.

Matatandaan na naglunsad ang PNP ng body-worn camera system noong 2021 para masiguro ang transparency at legitimacy ng mga pulis sa kanilang law enforcement operations.

Dahil sa limitadong suplay ng body-worn cameras, sinabi ni Fajardo na isinaprayoridad ng PNP ang pamamahagi nito sa mga tauhan sa police stations, maging sa national operational support units katulad ng Criminal Investigation and Detection Group, Drug Enforcement Group, Anti-Kidnapping Group, at Anti-Cybercrime Group.

“‘Yung isang unit lamang ng camera would cost more than P135,000, kung hindi ako nagkakamali. Kasi hindi lang siya isang camera, kasama doon ang program, ‘yung docking station, ‘yung GPS capability niya, at internet at SIM capability niya,” dagdag ng opisyal.

Para sa 2024, sinabi ni Fajardo na prayoridad ng PNP ang capacity enhancement program sa pamamagitan ng karagdagang infrastructure at police stations.

Aniya, palalakasin din ng PNP ang kanilang cybersecurity measures at training ng mga tauhan nito.

Target din ng PNP na kumuha ng karagdagang pwersa sa susunod na taon upang maabot ang ideal 1:500 police-to-population ratio. RNT/JGC

Previous articleOperating hours ng LRT2 pinaikli ngayong bisperas ng Bagong Taon
Next articleSalceda, nagbigay-pugay sa pagbukas ng PNR Naga-Legazpi train service