Home NATIONWIDE PNP chief Marbil sa mga parak: ‘Moonlighting’ bawal!

PNP chief Marbil sa mga parak: ‘Moonlighting’ bawal!

MANILA, Philippines- Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil ang mga opisyal na tutukan ang kaligtasan ng publiko at huwag magbigay ng serbisyo sa mga pribadong indibidwal.

Inihayag ito ni Marbil kasunod ng pagkakaaresto at paghahain ng administrative cases laban sa dalawang Special Action Force (SAF) cops na napag-alamang nagtatrabaho bilang bodyguard ng isang Chinese citizen na naninirahan sa loob ng isang eksklusibong residential village sa Alabang, Muntinlupa City.

“Our duty is to ensure the safety of our citizens. Police must be available at all times to address the needs and concerns of the public,” pahayag ni Marbil.

“By prohibiting moonlighting, we are reinforcing our commitment to quick and efficient response to any situation,” dagdag niya.

Nadakip ang dalawang SAF police officers, naka-deploy umano sa Zamboanga City, noong Mayo matapos ang pakikipagtalo na nauwi sa sakitan, kung saan isa sa kanila ang nagtamo ng sugat sa noo.

Kapwa nila inamin na nagtatrabaho sila bilang personal bodyguards ng isang lalaking Chinese na naninirahan sa isang subdivision sa Ayala Alabang area.

Batay sa PNP regulations, tanging Police Security Protection Group ang pinapayagang magbigay ng seguridad sa mga awtorisadong indibidwal. RNT/SA